UMANIB sa partidong LAKAS-CMD ang mga opisyal ng ikalawang distrito ng lalawigan ng Quezon.
Pinangasiwan ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang panunumpa ng mga lokal na opisyal bilang mga bagong miyembro ng Lakas-CMD.
Kabilang sa mga sumapi sa partido ay ang mga mayor ng mga bayan ng Sariaya, Tiaong, San Antonio at bayan ng Dolores na dati ay nasa iba’t ibang mga political party.
Kasama rin sa mga nanumpa ang mga konsehal ng mga nabanggit na bayan at ang vice mayor ng Bayan ng Candelaria.
Ayon kay House Deputy Speaker at Quezon 2nd district Rep. David Suarez na siya ring chairman ng LAKAS -CMD sa Quezon, ang pag-anib ng mga bagong miyembro ay tugon sa panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., sa political leaders sa bansa na magtulungan para sa pagkakaisa at huwag maging daan ang mga politiko sa pagkakawatak-watak.
Ginawa ng pangulo ang panawagan sa alliance signing ceremony ng kanyang political party na Partido Federal ng Pilipinas at ng Nacionalista Party noong Agosto 8 sa Taguig City.
Una nang lumagda ng pagiging magka-alyansa ang Partido Federal ng Pilipinas at ang LAKAS-CMD noong Mayo 8, 2024 sa Manila Polo Club sa Makati City. (NILOU DEL CARMEN)
193