OFW JUAN ni DR. CHIE LEAGUE UMANDAP
ISANG overseas Filipino worker (OFW) sa Saudi Arabia ang humihingi ngayon ng agarang tulong matapos umanong dumanas ng pagmamaltrato mula sa kanyang employer.
Kinilala ang OFW na si Carin May Jalorin, na na-deploy sa Saudi Arabia sa pamamagitan ng ABC Global Manpower Services sa Pilipinas at Aamal Almona Recruitment Agency bilang foreign recruitment agency (FRA) sa Saudi.
Ayon sa kanyang mga kaanak sa Pilipinas, partikular sa kanyang ama na si Antonio Jalorin at kamag-anak na si Mary Grace Dasan, kasalukuyang may karamdaman si Carin at hindi na niya kayang gampanan ang kanyang trabaho. Ngunit sa kabila nito, pinipilit pa rin umano siya ng kanyang employer na magtrabaho, at kapag siya ay tumatanggi, siya ay sinisigawan, tinatakot, at sinasaktan.
“Natatakot na po ang ate ko,” ayon sa ulat ng kanyang pamilya. “May sakit na siya, pero pinipilit pa ring magtrabaho. Kapag ayaw niya, sinisigawan at sinasaktan siya.”
Wala ring direktang contact number si Carin, kaya’t mas lalong nababahala ang kanyang mga kaanak sa kanyang kalagayan. Nanawagan na sila ng tulong sa pamamagitan ng OFW JUAN, upang makarating sa mga kinauukulan, partikular sa Department of Migrant Workers (DMW) at Migrant Workers Office (MWO).
Hiniling ng pamilya ang agarang pag-rescue kay Carin at imbestigasyon sa kaso upang mapanagot ang employer at maibalik ang dignidad ni Carin bilang isang manggagawang Pilipino.
Ang insidenteng ito ay muling nagpapakita ng patuloy na panganib at hamon na kinahaharap ng ilang OFWs sa gitna ng kanilang paghahanapbuhay sa ibang bansa. Patuloy na nananawagan ang iba’t ibang grupo ng mas mahigpit na proteksyon at mas mabilis na tugon para sa ating mga bagong bayani.
