MEDIA NETWORK NI QUIBOLOY INAASINTA SA KAMARA

PINUPUNTIRYA ng mga miyembro ng Makabayan bloc sa mababang kapulungan ng Kongreso ang media network ni Pastor Apollo Quiboloy dahil sa pagkakalat umano ng fake news at red-tagging.

Ito’y sa gitna ng pagsusulong ng isa ring kongresista na muling imbestigahan ang ABS-CBN.

Ayon sa Kabataan party-list na pinamumunuan ni Rep. Raoul Manuel, imbes na ang ABS-CBN ang imbestigahan ay mas maiging ituon ang atensyon sa SMNI ni Quiboloy upang makasuhan ito.

“Sa totoo lang, sa lahat ng ‘media outfit’, SMNI ang dapat imbestigahan ng Kongreso dahil sa pagpapakalat nito ng fake news at red-tagging na naglalason sa isip ng publiko,” ani Renee Louise Co, executive vice president ng Kabataan party-list.

“Ang may-ari nito na si Pastor Quiboloy, isang wanted na kriminal para sa sex trafficking ng mga bata sa U.S., ang nanguna pa sa pagpapakalat ng balita na nakulong daw si Kabataan Rep. Manuel kahit pa hindi ito totoo. Sila dapat ang isakdal ng Kongreso, laluna at binastos at inatake ng SMNI ang isang mambabatas,” dagdag pa ni Co.

Maging si ACT party-list Rep. France Castro ay nagsabi na maraming paglabag sa code of ethics sa pamamahayag at labag din umano sa prangkisa ng nasabing network ang pagpapakalat ng fake news at maging ang pagre-red-tag nito.

“Sa totoo lang SMNI dapat ang iniimbestigahan hindi ang ABS-CBN. Napakarami na nitong paglabag sa KBP code of ethics at mga panuntunan sa prangkisa nito dahil sa pagkakalat ng kasinungalingan, red-tagging at fake news pero hindi ito ginagalaw,” ani Castro.

Kailangang maging patas umano ang Kongreso na siyang nagbigay ng prangkisa sa SMNI kaya dapat imbestigahan ito at hindi ang mga network na hindi kaalyado ng gobyerno. (BERNARD TAGUINOD)

168

Related posts

Leave a Comment