(NI BERNARD TAGUINOD)
DAHIL mapanganib umano sa buhay, ipinanukala ng isang bagitong mambabatas sa Kamara na huwag gamitin ang mga kagawad ng media sa anti-drug operations ng mga law enforcers.
Ginawa ni ACT-CIS party-list Rep. Nina Taduran ang nasabing panukala dahil “delikado ang buhay ng media man at wala naman silang sapat na proteksyon kapag sumaksi sa drug operation”.
Dahil dito, nais ng mambabatas na amyendahan ang Republic Act (RA) 9165 o Dangerous Drugs Act of 2002 para alisin ang mga kagawad ng media bilang mga saksi sa mga ginagawang operasyon ng mga otoridad laban sa ilegal na droga.
Base sa nasabing batas, kailangan may kinatawan mula sa media bilang saksi sa isinasagawang paghuli at pag-iimbentaryo ng mga droga at iba pang ebidensya laban sa nahuling drug suspect.
Tumatayong saksi rin ang mga kagawad ng media sa mga law enforcement hanggang sa Korte subalit masyado aniyang nanganganib ang buhay ng mga ito.
“May ilan nang mediamen na ginawang witness sa drug operations ang nakakatanggap ng death threats o kung hindi man ay inaakit sa pamamagitan ng suhol ng mga suspek sa droga. Pero sa pagre-require sa media na tumestigo sa korte, tila ipinapain pa natin sila sa kapahamakan,” ani Taduran.
Ang media ang itinuturing na Fourth Estate at hindi umano bahagi ng criminal justice system kaya hindi dapat isama ang mga ito bilang saksi sa kampanya laban sa iligal na droga.
296