BILANG bahagi ng World Diabetes Day 2025, nanawagan ang iba’t ibang medical societies gaya ng Philippine College of Endocrinology, Diabetes and Metabolism (PCEDM), Philippine Heart Association, Stroke Society of the Philippines, at Philippine College of Physicians, para sa mas matibay na laban at pag-iwas sa diabetes sa mga Pilipino.
Ayon sa PCEDM, ang type 2 diabetes ay isa na sa pinakamalaking hamong pangkalusugan sa bansa, na kasalukuyang ikalimang nangungunang sanhi ng kamatayan at nakakaapekto sa tinatayang 5.5 milyong Pilipinong nasa hustong gulang.
Sa ginanap na forum sa Manila Prince Hotel, tinalakay ng mga eksperto ang pangangailangan ng cross-sector collaboration upang makalikha ng policies at workplace programs na makatutulong sa mga manggagawang may diabetes.
Paliwanag ni Dr. Lora May Tin Hay, pangulo ng PCEDM: “Hindi dapat ituring na kapansanan o hadlang ang diabetes. Sa tamang gamutan at suporta mula sa pamilya, katrabaho, at komunidad, maaari pa ring mamuhay nang buo at produktibo ang mga pasyente.”
Binigyang-diin niya na ang type 2 diabetes ay maiiwasan o mapapabagal kung susuportahan ng lipunan ang malusog na pagkain, regular na ehersisyo, at pag-iwas sa bisyo.
“Kung ang kapaligiran natin ay nakatutulong sa tamang pamumuhay, hindi lang kalusugan kundi pati ekonomiya ang makikinabang — dahil mas kaunting gamot, mas kaunting sick leave, at mas produktibong manggagawa,” dagdag pa niya.
Kabilang sa mga nagsalita sa forum sina Dr. Lourdes Ella Santos ng Philippine Heart Association at Dr. Maria Cristina Macrohon-Valdez ng Stroke Society of the Philippines, na nagbabala sa koneksyon ng diabetes sa sakit sa puso at stroke.
Dagdag naman ni Dr. Ricardo Francisco Jr. ng Philippine Society of Nephrology, malaking papel rin ang diabetes sa kidney failure sa mga Pilipino.
Ibinahagi ng PCEDM ang kanilang I.W.A.S. strategy bilang gabay sa publiko:
Involve your doctor
Work on mindful eating
Adopt an active lifestyle
Seek safe and appropriate medication
Binigyang-diin din ng grupo na ang sumusuportang workplace ay nakapagpapababa ng absenteeism at nagpapabuti ng kabuuang kalusugan ng mga empleyado.
“Kapag hinihikayat ng mga employer ang masustansyang pagkain, ehersisyo, at tamang gamutan, mas nagiging epektibo at masigla ang workforce — win-win para sa lahat,” ani Dr. Tin Hay.
Ang World Diabetes Day 2025 ay sinuportahan ng Department of Health, World Health Organization, San Miguel Corporation, Sanofi Philippines, The Manila Times, at iba pang medical at patient organizations.
(JULIET PACOT)
17
