MENU LABELING AT NAT’L PSORIASIS CARE TINALAKAY SA KAMARA

TINALAKAY sa House Committee on Health ang panukalang iutos sa food service establishments o restawran ang pagpapakita ng mga nutritional information sa kanilang mga tindang pagkain.

Ang panuka na naglalayong maiwasan ang obesity o ang kondisyon kung saan sobra ang taba sa katawan ng isang tao at ang pagkain ng nakasasama sa kalusugan ay dininig sa pangunguna ni Quezon 4th District Representative Angelina “Helen” Tan.

Sinabi ni Tan, chairperson ng Committee on Health na “Ang mga panukalang ipakita ang calorie at nutritional information ay tumutugon sa pangangailangan para sa komprehensibong paraan upang tiyakin na ang lahat ng Pilipino ay maalam ukol sa kanilang kalusugan at nabibigyan ng malusog na pamumuhay sang-ayon sa pagbibigay ng Kalusugang Pangkalahatan o Universal Health Care.

Binigyang-diin sa pagdinig ang kahalagahan ng pagpapakita ng mga nutritional information na tinataglay ng mga tindang pagkain. Ito ay inaasahang magbibigay ng mas matalino at malusog na food choices sa publiko at magsusulong ng kaalaman ukol sa kalusugan at tamang pagbabawas ng timbang. Ito rin ay makatutulong sa mga mamimili sa pag-monitor ng kanilang diyeta o pagtugon sa kanilang chronic diseases tulad ng sakit sa puso at diabetes.

Ayon sa panukala, ang mga food establishment ay kinakailangang ipakita nang malinaw sa kanilang mga customer ang calorie at nutritional content ng kanilang menu. Kasama sa “Nutritional information” ang kabuoang dami ng calories, carbohydrates, saturated fat, protina, asin, at iba pang mahalagang impormasyon.

Bumuo na ng Technical Working Group (TWG) ang Committee on Health para pag-aralan ang mga panukala at pag-isahin ang mga ito.

Bukod dito, inaprubahan ng health panel ang House Bill No. 9821 o ang “National Psoriasis Care Act” na isinusulong ni Tan na naglalayong gawing kabahagi bilang produktibong miyembro ng lipunan ang mga taong may sakit na psoriasis at makabilang sila sa pagtataguyod ng bansa.

Ang psoriasis, ayon kay Tan ay isang pangmatagalang sakit na lubhang masakit, nakakasira ng anyo, at nagbibigay kapansanan bagamat ito ay hindi nakakahawa. Sinasabi rin na ito ay walang lunas at tinatayang nasa dalawang (2) milyong Pilipino o dalawang (2) porsyento ng populasyon ang meron nito.

Sa oras na maging ganap na batas, itatayo ang National Psoriasis Care and Control Program (NPCCP) na siyang magsasagawa ng mga aktibidad upang mapabuti ang buhay ng mga taong may psoriasis at mabawasan ang bigat na dulot ng sakit.

Nagpaabot ng pasasalamat ang Psoriasis Philippines dahil ito ang unang pagkakataon na nabigyang pansin ang kanilang hirap na pinagdadaanan dahil sa sakit at narinig nang malinaw ang kanilang mga hinaing.

354

Related posts

Leave a Comment