MERALCO NAGHATID NG LIWANAG SA PAMAMAGITAN NG SOLAR DONATION SA MGA PAROKYA SA BATANGAS

Nagkaloob ng 1,000 solar lamp sa 68 parokya sa ilalim ng Arkidiyosesis ng Lipa ang Manila Electric Company (Meralco), sa pamamagitan ng corporate social development arm nito na One Meralco Foundation (OMF), bilang bahagi ng misyon nitong maghatid ng liwanag.

Pinangunahan nina Meralco Chief External and Government Affairs Officer Atty. Arnel D. Casanova at Meralco Chief Corporate Social Responsibility Officer at OMF President Jeffrey O. Tarayao ang turnover ceremony sa bayan ng Taal, Batangas. Dinaluhan ito ng mga kinatawan mula sa iba’t-ibang parokya sa pangunguna ni Rev. Fr. Bernard Aguila, Rector at Parish Priest ng Minor Basilica and Parish of St. Martin of Tours at Chairman ng Archdiocesan Ministry on Stewardship.

“Ang proyektong ito ay bahagi ng tuluy-tuloy na pagsusumikap ng Meralco na maghatid ng liwanag para sa pagpapaunlad ng mga komunidad. Sa pamamgitan ng pagkakaloob ng mga solar light sa iba’t ibang parokya, hangad naming masuportahan ang kanilang mga mahalagang programa para sa komunidad ng Batangas,” ani Casanova.

Ang pamamahagi ng mga solar lamp ay bahagi ng mas malawak na pakikipagtulungan ng Meralco sa Arkidiyosesis ng Lipa, na kinabibilangan din ng pamamahagi ng mga Noche Buena package at pailaw sa makasaysayang Metropolitan Cathedral ng San Sebastian sa Lipa noong nagdaang Pasko.

Ayon naman kay OMF President Tarayao: “Kami sa One Meralco Foundation ay naniniwala na ang kuryente ay tagapagtaguyod ng kaunlaran. Ang suportang ito sa iba’t-ibang parokya ay bahagi ng aming adbokasiya na makatulong sa pagpapaunlad ng mga komunidad sa pamamagitan ng paghahatid ng liwanag.”

Sa kasalukuyan, naghahatid ang Meralco ng serbisyo ng kuryente sa Batangas partikular na sa mga lungsod ng Sto. Tomas, Batangas, at bayan ng San Pascual.

196

Related posts

Leave a Comment