MERALCO, PNP NAGSANIB-PWERSA PARA TANGGALIN ANG MGA ILIGAL NA KONEKSYON SA PASAY AT PARAÑAQUE

Nagsagawa ang Manila Electric Company (Meralco) kasama ang Philippine National Police (PNP) ng joint clearing operations sa bahagi ng Pasay at Parañaque na nagresulta sa pagtanggal ng 100 kilong linya na ginagamit sa iligal na koneksyon sa kuryente.

Isinagawa ang joint operations upang tugunan ang problema ng Light Rail Transit Authority (LRTA) ukol sa mga iligal na koneksyong ikinabit sa mga pasilidad ng LRT-1. Makikita sa larawan ang pag-inspeksyon sa poste ng kuryente sa Barangay Baclaran sa lungsod ng Paranaque.

Inalis din ng awtoridad ang mga iligal na koneksyon sa mga kabahayan. Ang iba rito ay nakatago sa loob ng mga tubo at ibinaoon pa sa ilalim ng lupa.

Pinaalalahanan ng Meralco ang publiko na ang paggamit ng iligal na koneksyon o pagnanakaw ng kuryente ay labag sa batas partikular na sa Republic Act No. 7832 o ang Anti-Pilferage of Electricity and Theft of Electric Transmission Lines/Materials Act of 1994. Mayroong karampatang parusa ang lalabag dito. Maaari rin itong magdulot ng aksidente o sunog.

“Makakaasa ang aming mga customer sa tuluy-tuloy na aktibong kampanya ng Meralco laban sa mga nagnanakaw ng kuryente o jumper. Patuloy kaming nananawagan sa publiko na agad i-report ito sa amin upang agad na maaksyunan ang mga insidenteng kaugnay rito,” ayon kay Meralco Vice President at Corporate Communications Head Joe R. Zaldarriaga.

Maaaring i-report ang mga iligal na koneksyon sa pamamagitan ng Meralco 24/7 hotline 16211 at 8631-1111 o sa mga opisyal na social media account ng Meralco sa Facebook at X.

1

Related posts

Leave a Comment