MERALCO TINIYAK ANG MAAYOS NA SERBISYO NG KURYENTE NGAYONG SEMANA SANTA

TULUY-TULOY NA SERBISYO NG KURYENTE. Tiniyak ng Meralco sa mga customer nito ang tuloy-tuloy na serbisyo ng kuryente sa panahon ng Semana Santa. Makikita sa larawan ang mga linecrew ng Meralco na nagsasagawa ng maintenance activities.

MAYNILA, PILIPINAS, 29 MARSO 2026—Tiniyak ng Manila Electric Company (Meralco), ang pinakamalaking distribution utility sa bansa, sa mga customer nito ang tuluy-tuloy at maaasahang serbisyo ng kuryente ngayong Semana Santa.

Sa isang pahayag, sinabi ni Meralco Vice President at Head of Corporate Communications Joe R. Zaldarriaga na nakaantabay 24/7 ang mga response team ng kumpanya para tugunan ang anumang posibleng alalahanin sa serbisyo ng kuryente.

“Nakikiisa kami sa buong bansa sa paggunita ng isang tahimik at ligtas na Semana Santa. Bilang isang 24/7 service provider, tinitiyak namin sa aming mga customer na handa ang aming mga crew na tumugon sa anumang posibleng maging alalahanin sa serbisyo ng kuryente,” ani Zaldarriaga.

Nagpaalala din ang Meralco tungkol sa ligtas na paggamit ng kuryente, lalo na sa mga may planong umalis ng kanilang mga tahanan.

Pinapayuhan ang mga customer na tanggalin sa pagkasaksak ang mga appliance kung hindi ginagamit o bago umalis ng bahay; iwasan ang pagdudugtung-dugtong ng mga extension cord o ang tinatawag na octopus connection sa iisang outlet; iligpit ng maayos ang mga kable kung hindi ginagamit; at tiyaking malayo sa tubig ang mga kagamitang de-kuryente.

Para sa mga alalahanin kaugnay ng serbisyo ng kuryente, maaaring makipag-ugnayan sa Meralco sa pamamagitan ng 0920-9716211 at 0917-5516211 o sa Meralco hotline na 16211. Maaari rin ipaabot ang mga alalahanin sa pamamagitan ng My Meralco app at sa mga opisyal nitong social media page sa Facebook at X.

Pansamantalang magsasara ang mga Meralco Business Center mula Huwebes Santo hanggang Linggo ng Pagkabuhay. Magbabalik operasyon ang mga ito sa Abril 6.

98

Related posts

Leave a Comment