(NI KEVIN COLLANTES)
DUMATING na sa bansa ang buong shipment ng mga bagong riles para sa Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3).
Ito ang masayang inianunsiyo ng Department of Transportation (DOTr),
na pinamumunuan ni Secretary Arthur Tugade ngayong Miyerkoles ng umaga.
“Talagang good morning! Dumating na sa Pilipinas ang buong shipment ng mga bagong riles para sa DOTr MRT-3!” paabiso pa ng DOTr.
Ayon sa ahensiya, dumaong ang barkong lulan ang 4,053 piraso ng riles, na may habang 18 metro bawat isa, sa Harbour Centre Port Terminal sa Maynila, nitong Hunyo 9.
Mas maaga anila ito ng ilang buwan kaysa sa nakatakda sanang petsa ng delivery ng mga naturang riles.
Anang DOTr, mula sa Port of Manila ay ihahatid at ihahanda na para sa installation ang Japanese-made na mga bagong riles sa Tracks Laydown Yard malapit sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX).
Sa sandali anilang dumating ang iba pang rail parts sa bansa ngayong Oktubre ay inaasahang masisimulan na sa Nobyembre ang pagpapalit ng riles sa kahabaan ng MRT-3 mainline.
Tiniyak naman ng DOTr na mananatiling tuluy-tuloy ang train service ng MRT-3 dahil isasagawa naman nila ang rail replacement works tuwing non-operating hours ng tren.
“Malaking tulong ang mga bagong riles sapagkat makakabawas ito sa excess vibration o pagkakatagtag ng mga bagon, na ikinasisira ng mga eletrical at mechanical component na siya namang isa sa mga pangunahing sanhi ng train breakdown,” anang DOTr.
Nabatid na ang pagbili ng mga bagong riles ay bahagi ng komprehensibong rehabilitasyon ng MRT-3 upang maibalik sa high-grade design condition ang naturang railway.
Ang MRT-3 ay bumabagtas mula sa North Avenue, Quezon City hanggang sa Taft Avenue, Pasay City, at pabalik, via Epifanio delos Santos Avenue.
376