(NI NICK ECHEVARRIA)
BUKAS ang Philippine National Police (PNP) sa panawagan ng Commission on Human Rights (CHR) na masusing imbestigahan ang naging ‘collateral damage’ nang madugong anti-drug operations sa Rodriguez, Rizal kamakailan.
Ayon kay P/Col. Bernard Banac, tagapagsalita ng PNP, makatutulong sa kanila ang anumang imbestigasyon para matukoy ang tunay na pangyayari sa operasyon na nauwi sa engkwentro at kumitil sa buhay ng apat katao kasama ang isang 3 taong gulang na bata.
Nilinaw ni Banac na hindi binabalewala ng PNP ang ganitong mga isidente sa ilang operasyon ng mga pulis, patunay ang agarang pagsibak sa mga pulis ng Rodriguez na sangkot sa naturang operasyon para hindi maimpluwensyahan ang ginagawang imbestigasyon.
Ito ay bunsod ng pagkasawi ni Myka Ulpina nitong June 29.
Ginawa umano itong human shield ni Renato Dolorfina na target ng isinagawang buy bust operation sa mismong bahay nila kasama ang isa pang biktima at si P/Sr. Master Sgt. Conrad Cabigao na nagpanggap na poseur buyer.
Nasibak din sa puwesto si P/Col. Resty Damaso, hepe ng Rodriguez Police at 19 na iba pa dahil sa naturang insidente na ngayon ay pawang mga pansamantala munang inilagay sa holding unit ng Police Provincial Office ng Rizal.
147