INAPRUBAHAN ng korte sa Pasig City na dumidinig sa kaso ni Pastor Apollo Quiboloy, leader at founder ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) ang hiling nito na extension ng medical furlough hanggang Nobyembre 27.
Ito ang inihayag ng abogado ni Quiboloy na si Atty. Israelito Torreon, matapos makumpirma ng korte na nagkaroon ng impeksyon ang dental implants ng religious leader.
“It was approved until Wednesday. Mataas na diskusyon po pero na-approved naman. There will be a medical furlough for Pastor Apollo Quiboloy,” ang pahayag ni Torreon.
“Hindi ko pwedeng isiwalat ang detalye, dahil alam naman na ninyo ang kaselanan ng kaso,” dagdag pa ng abogado.
Matatandaan na noong Nobyembre 8 ay isinugod si Quiboloy sa Philippine Heart Center matapos itong makaramdam ng paninikip ng dibdib sa PNP Custodial Center sa Camp Crame.
“Noong Nobyembre 7, sinabi ng televangelist na hindi maganda ang kanyang pakiramdam kung kaya’t kaagad na nagsagawa ng medical examination ang mga doktor ng PNP General Hospital,” ayon kay PNP spokesperson Brig. Gen. Jean Fajardo.
“Batay sa resulta ng eksaminasyon, kinakitaan ng irregular na pintig ng kanyang puso si Quiboloy na maaaring magsapanganib ng kanyang buhay,” dagdag pa ni Fajardo.
Ibinalik siya sa custodial facility noong Nobyembre 16 matapos ibasura ng korte ang hiling ng kampo ni Quiboloy para sa isang hospital arrest.
Nahaharap ang relihiyosong lider sa walang piyansang-kaso na qualified human trafficking sa ilalim ng Section 4(a) ng Republic Act 9208 lakip na ang Section 5(b) at Section 10(a) ng Republic Act 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act. (NEP CASTILLO)
50