FIRECRACKER TOTAL BAN SA 2021

ANG kakulangan sa mekanismo para mapanagot ang isang firecracker manufacturer sa mga nasusugatan at namamatay matapos gumamit ng biniling paputok ang dahilan ng matagal at malalim na pinag-isipan na pagpapatupad ng total ban sa paggamit nito sa pagsalubong sa Bagong Taon.

Tinukoy ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na may mga kabataan kasi ang dumaranas ng fireworks-related injuries kada taon na hindi napapanagot ang firecracker manufacturer.

“Ang binabantayan nga every year is that we are glued on the TV and waiting for announcement of how many have suffered, ilan ang patay,” ayon kay Pangulong Duterte sa kanyang public address, Lunes ng gabi.

Sinisisi ni Pangulong Duterte sa mga firecracker manufacturer ang pagbebenta ng paputok na aniya’y “beyond the normal level of safety.”

“You do not assume any responsibility at all. Wala akong nakita na may hinabol ang gobyerno at nakulong dahil sa inferior or wrongly manufactured firecrackers,” ani Pangulong Duterte.

“Until and unless we can come up with that, wala tayong mahabol sa inyo. Basta kayo, balot lang nang balot. Walang warranty that this is a good thing to do,” dagdag na pahayag ng pangulo.

Nauna rito, plano na ni Pangulong Duterte na ipag-utos ang total ban sa paggamit ng paputok sa 2021.

Pinalagan naman ito ng fireworks vendors sa Bocaue, na nagsasabing nakadepende ang kanilang buhay sa industriya ng paputok.

“Alam ko ‘yung Bocaue. I really understand you. I might even sympathize with you. Loss of earnings and you are driven out of business. But the problem is the higher duty of government to protect public interests, public health,” ayon kay Pangulong Duterte.

Sa ulat, ilan sa mga nagbebenta ng paputok sa Bocaue, Bulacan ang nanawagan kay Pangulong Duterte na pag-isipang mabuti ang kaniyang plano na tuluyang ipagbawal ang paputok sa bansa sa susunod na taon.

Marami raw kasi sa kanila ang posibleng mawalan ng pagkakakitaan sa oras na ipatupad ito.

Kung gusto umano ng pangulo na ituloy ang pagbabawal ng paputok ay dapat magbigay ito ng ayuda para sa mga manggagawa na mawawalan ng trabaho.

Magugunita na hinikayat ng Malacañang ang mga gumagawa ng paputok na maghanap na lamang ng ibang hanapbuhay makaraang ianunsyo ni Pangulong Duterte ang naturang plano.

Ayon kay Presidential Spokesman Sec. Harry Roque, kailangan aalalahanin din ang mga tao na nakasalalay lamang sa paggawa ng paputok ang hanapbuhay.

Binigyan lamang daw ang mga ito ng pangulo ng warning dahil sa susunod na taon ay posibleng magkaroon ng absolute firecracker ban.

Nitong mga nagdaang taon ay ipinag-utos ni Pangulong Duterte ang suspensyon sa pagpo-proseso ng mga lisensya at permits para sa paggawa, pagbebenta at distribusyon ng mga paputok at pyrotechnic devices.

Samantala, inirekomenda naman ng Regional Peace and Order Council of Metro Manila sa pamamagitan ng ipinalabas na resolusyon ang pagba-ban sa paggamit ng paputok ngayong holiday season. (CHRISTIAN DALE)

152

Related posts

Leave a Comment