BINATIKOS ng mga taga-Marikina si 2nd District Rep. Stella Quimbo sa pagiging “missing in action” nito sa gitna ng paghagupit ng Bagyong Kristine sa siyudad.
Ayon sa ilang netizens, puro paramdam at abiso lang sa social media ang ginagawa ni Quimbo tungkol sa bagyo.
Anila, hindi man lang ito nakitang nag-iikot para bisitahin ang kanyang mga ka-distrito o kaya ay mamigay ng relief goods sa mga nasalanta.
“Abiso lang ba ang magagawa mo Stella Quimbo para sa mga taga Marikina?” tanong ng isa pang netizen.
Hinamon naman ng isa pang netizen si Quimbo na ibenta ang kanyang mamahaling koleksyon ng bag, alahas at relo at i-donate sa relief operations.
Naungkat din ang isyu ng halos kalahating bilyong pisong halaga ng flood control projects na nakapangalan kay Quimbo sa gitna ng pagbaha sa ilang bahagi ng Marikina, lalo na sa kanyang distrito.
“Nasaan na ang Flood Control Projects ni QUIMBO? Kamusta nman Inday QUIMBO,” tanong ng isang netizen.
“Quimbo assan ang Gucci mo at Prada? Iparada mo na tapos higupin mo ang tubig diyan sa Marikina,” hirit naman ng isa pa, na tinutukoy ang mamahaling gamit ng kongresista.
Nahaharap si Quimbo sa reklamo sa Office of the Ombudsman dahil umano sa maluho nitong pamumuhay.
Ang reklamo, na may docket na TN-C-24-1087-E, ay ni-refer na kay Caroline de Leon, officer in charge ng Central Records Division ng Office of the Ombudsman.
Kinuwestiyon naman ng mga dating presidential spokesperson na sina Salvador Panelo at Rigoberto Tiglao ang kakayahan ni Quimbo na bumili ng mamahaling gamit gayong isa lang itong guro bago naging mambabatas.
48