HINDI lamang ang mga nakapasa sa Bar Examinations ang otomatikong civil service eligibles kundi maging ang mga board passers sa mga board exam na ibinibigay ng Professional Regulation Commission (PRC) at Maritime Industry Authority (MARINA).
Ito ang paglilinaw na ginawa ng Civil Service Commission (CSC) kahapon dahil ito umano ang nakasaad sa Republic Act No. 1080 o “An Act Declaring the Bar and Board Examinations as Civil Service Examinations.”
Nakasaad anila sa batas na “the bar examinations and the various examinations conducted by government boards are regarded as civil service examinations” kaya hindi na kailangang kumuha ang mga board passers ng civil service exam maging eligible na magtrabaho sa gobyerno.
Maging ang mga marine deck at engine officers na binigyan ng lisensya matapos ipasa ang pagsusulit na ibinigay ng MARINA ay otomatikong eligible base sa Republic Act No. 10635 na siyang nagtatag sa nasabing ahensya.
“Since 2014, this eligibility has also extended to marine deck and engine officers licensed by the Maritime Industry Authority (MARINA), following the transfer of the examination, licensing, and certification responsibilities from the PRC to MARINA under Republic Act No. 10635,” ayon sa CSC.
Kasama rin sa kinikilalang mga service eligible ay ang mga nakapasa sa Shari’a Bar examinations.
Hindi na umano kailangang pumunta ng personal ang mga board passers sa mga CSC at maging mga regional field office ng komisyon para makakuha ng kopya ng kanilang civil service eligibility.
“A valid professional license or a copy of the Certificate of Registration/Competency or Report of Rating issued by the SC, PRC, or MARINA can serve as proof of eligibility,” paglilinaw ng nasabing komisyon. (BERNARD TAGUINOD)
63