HUMANITARIAN MISSION NG PCG HINARANG NG 40 CHINA VESSELS

KABUUANG 40 na sasakyang pandagat ng China, kabilang ang tatlong warships, ang idineploy noong Lunes sa Escoda Shoal sa West Philippine Sea upang harangin ang humanitarian mission doon ng Philippine Coast Guard (PCG).

Sinabi ni Commodore Jay Tarriela, tagapagsalita ng PCG para sa West Philippine Sea, anim na barko ng China Coast Guard, tatlong barkong pandigma ng People’s Liberation Army-Navy, at 31 Chinese maritime militia vessels ang naka-deploy nang magsagawa ng misyon ang BRP Teresa Magbanua.

Ayon pa kay Tarriela, sa panahon ng misyon na ito, ang People’s Republic of China ay nag-deploy ng labis na puwersa.

Hinarang ng ilan sa mga sasakyang ito ang mga barko ng PCG na BRP Cabra at BRP Cape Engaño upang hindi makalapit sa BRP Teresa Magbanua.

Ang pinakahuling insidenteng ito ay bahagi ng mga agresibong aksyon ng China sa Escoda Shoal.

Noong Linggo, Agosto 25, nagbomba ng water cannon ang mga sasakyang pandagat ng CCG laban sa isang barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).

Noong Agosto 19, ang BRP Cape Engaño at BRP Bagacay ay hinaras ng CCG, na itinuturing ng PCG bilang agresibong mga maniobra habang binabagtas ang tubig mula sa shoal, na ikinapinsala ng dalawang barko.

Hinimok ni Tarriela ang CCG na “sumunod sa internasyonal na batas at itigil ang pag-deploy ng mga puwersang pandagat na maaaring makasira sa paggalang sa isa’t isa, isang kinikilalang pangkalahatang pundasyon para sa responsable at mapagkaibigang relasyon sa mga Coast Guard.”

Nananatili ang Pilipinas sa patuloy na presensya sa Escoda Shoal kasunod ng hinihinalang mga aktibidad ng reclamation doon. (JOCELYN DOMENDEN)

30

Related posts

Leave a Comment