Ilalagay ng DENR sa bawat barangay YELLOW BIN PARA SA USED FACE MASK, FACE SHIELD

NAKABABAHALA ang pagtaas ng bilang ng mga ginamit na face shields, face masks at itinatapong mga gamit na bagay na may kaugnayan sa COVID 19 pandemic sa level ng mga barangay sa nakalipas na ilang buwan.

Mayroon ding iilang mga tao ang gumagamit ng mga guwantes o rubber gloves bilang dagdag na pag-iingat at proteksyon.

Pero matagal nang ikinababahala ng environmentalist groups ang pagdami ng mga naitatapong face mask at face shield na hindi naman nabubulok.

Gayunman, sinabi ni Environment Undersecretary Benny Antiporda, hindi naman maaaring tukuyin ang volume nito dahil maaaring pagmulan na naman ng diskusyon ng ibang sector ng lipunan.

Kaya sa halip, nakapokus aniya ang DENR sa pagtiyak na mahahakot nang maayos ang mga nabanggit na patapon na tinatawag na “household health care waste” dahil sa kontaminasyon na maaaring maidulot nito.

“These are all being used to protect lives, ‘yun ang main objective niya and yet pagdating sa disposal nade-defeat ang purpose niya dahil sa indisciminate na pagtatapon,” sabi ni Usec. Antiporda.

Alinsunod sa pandemic protocols ng bansa, kinakailangang naka-face mask at face shield ang mga lalabas ng bahay para mapigilan ang pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19).

Plano aniya ng tanggapan na maglaan sa bawat barangay ng mga dilaw na trash bin para roon itapon ng mga residente ang ganoong uri ng basura.

“Kapag pira-piraso lang ang itatapon sa loob ng bin kapag naipon na sa bahay, ilagay sa maayos na sisidlan at i-seal nang maayos and ilagay sa tabi ng yellow trash bin kasi kapag dinaanan na po ‘yan ng truck ng basura alam na nila na suspected contaminated waste po iyan, hindi po iyan ihahalo kapag nagtapon tayo ng household waste. Again, this will serve as a sign na segregate na-household health care waste para maproteksyunan ang mga magpi-pick up ng ating mga basura,” ” sabi ni Antiporda.

Aminado ang opisyal ng DENR na hindi lahat ng barangay ay mabibigyan ng yellow bin dahil sa kakulangan ng pondo, kaya naman umaapela si Antiporda sa mga lokal na pamahalaan na maglaan din ng sari-sariling disposal area para sa household health care waste sa kani-kanilang mga barangay.

“Susuportahan po sila ng national government, very cooperative naman po sila when it comes to health protocols, eh maisama pa rin siya sa health protocol para hindi ma-defeat ang purpose ng pagtatapon ng face masks,” sabi pa ni Antiporda. (DAVE MEDINA)

51

Related posts

Leave a Comment