TULOY ang kalbaryo sa tubig ng mga residente sa Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela (CAMANAVA) area kasunod ng anunsyo ng Maynilad na tuloy ang off-peak daily water interruptions hanggang Abril 15.
Wala pa ring tutulong tubig sa mga gripo sa nasabing lungsod mula 10 am hanggang 4 am dahil umano sa pagtaas ng pangangailangan sa tubig dulot ng mainit na panahon, bukod pa sa mabilis na pagkaubos ng tubig sa mga reservoir.
Ang nasabi umanong ‘interruptions’ ay makatutulong para makapagpuno ang Maynilad ng mga reservoir tuwing gabi bilang paghahanda sa mataas na demand kapag peak hours o tuwing umaga.
Nitong Abril 1 dapat ang huling araw ng water interruption sa CAMANAVA bago ang inilabas ang anunsyo ng Maynilad.
Magugunitang unang nasampulan ang lungsod ng Valenzuela ng water interruption, kung saan abot sa 23 barangay ang nawalan ng tubig mula Miyerkoles dakong 10 pm (Marso 9), hanggang 6 am ng Huwebes, (Marso 10).
Kasunod nito ay nagputol na rin ng supply ng tubig sa katabing mga lungsod ng Caloocan, Malabon at Navotas kapag off-peak hours.
Patuloy ang pagpapayo ng Maynilad na magtipid ng tubig, at mag-ipon sa mga oras na mayroong water supply. (ALAIN AJERO)
164