PINAG-APPLY, pinagtrabaho pero hindi pala isinama sa talaan ng mga empleyado kaya hindi nakasweldo. Ito ang nakapanlulumong karanasan ng mga residenteng hinimok magtrabaho para sa pamahalaang lungsod ng local government official noong kasagsagan ng pandemya.
Sa kasong inihain sa Office of the Ombudsman nina Ma. Lisle Guevarra ng Barangay Duyan-duyan at Eleanor Torralba ng Barangay Central, partikular na tinukoy ng mga nagreklamo ang nagpakilalang chairman ng Quezon City Against Corruption na si John Paul Orate kaugnay ng samu’t saring alegasyon ng katiwalian kabilang ang pambuburiki ng mga natanggap na relief goods, pagpapabenta ng mga “tickets-for-a-cause” at hindi pagpapasahod sa kanilang ipinaglingkod na panahon sa ilalim ng nasabing tanggapan.
Dawit din sa reklamong paglabag ng Republic Act 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) na inihain kamakailan sa Office of the Ombudsman sina QC Mayor Joy Belmonte at QC legal counsel Orlando Paolo Casimiro.
Sa testimonya ni Guevarra, Marso 2020 nang alukin diumano siya ng trabaho ni Orate sa QCAC, bagay na agad niyang tinanggap – sa kabila ng peligro – sa paniwalang makakatulong sa kanyang pamilya ang may tiyakang sahod sa kasagsagan ng pandemya.
Sa kanyang ikalawang araw ng pagtatrabaho, pinagbenta siya ni Orate ng mga ticket na para umano matugunan ang pangangailangan ng isang cancer patient. Kasunod nito, inutusan din aniya siya ni Orate na tumulong sa pag-aasikaso ng mga relief goods na ipinadala ng Office of the Mayor sa kanilang tanggapan kung saan sila inatasang bawasan ang laman ng bawat sisidlan at ilipat sa isa pang bag na markado naman ng QCAD, habang ang natira naman ay kinuha ng nasabing opisyal.
Sa salaysay naman ni Torralba, inamin niyang kilala niya si Orate dahil kapwa sila kumandidatong kagawad sa Barangay Central. Aniya, Marso 2020 rin nang himukin siyang magtrabaho sa QCAC bilang administrative staff na siyang gagawa ng summary reports na kanya umanong isusumite sa satellite office ng QC Legal Department sa Project 2, QC.
Gayunpaman, laking gulat niya nang pagbentahin siya ng ticket para sa hindi kinilalang cancer patient.
Sa kanilang sinumpaang testimonya, lumalabas na ang kinita sa pagbebenta ng mga ticket ay hindi ginamit sa pagtulong sa sinasabing cancer patient kundi para sa personal na interes ni Orate.
Matapos ang ilang buwan ng kanilang pagtatrabaho, natuklasang wala pala silang sasahurin dahil di naman pala sila totoong empleyado – bagay na ikinadismaya nina Guevarra, Torralba at iba pang pinagtrabaho ni Orate kasabay ng bantang pagsasampa ng kaso.
Dito na umano naalarma sina Orate at Casimiro (QC legal counsel) na dali-dali silang pinagsumite ng kanilang requirements para maipasok sa pamahalaang lungsod.
Bagamat naglabas ng pondo ang QC local government unit, maliit na bahagi lang ng kanilang pinaghirapan ang natanggap ng mga nagreklamo. Nang hingan ng paliwanag si Orate, sinabi nitong ang kanilang natitira pang suweldo ay ginamit bilang pondo ng QCAC.
Agad namang tumungo sa tanggapan ni Belmonte sina Guevarra, Torralba at iba pa kung saan itinanggi nito ang direktibang pagkuha ng mga karagdagang tao para sa QCAC dahil na rin umano sa inilabas na ang budget ng lungsod.
Gayunpaman, pinangakuan lamang umano sila ng alkalde. (JOEL O. AMONGO)
145