LACUNA ADMIN HINAKOT 2024 URBAN GOVERNANCE EXEMPLAR AWARDS

MULING humakot ng mga parangal ang administrasyon ni Mayor Honey Lacuna sa highly-prestigious 2024 Urban Governance Exemplar Awards dahil sa all-out at consistent nitong mga hakbang sa pagbibigay ng pinakamatinding proteksyon at serbisyo sa mga bata ng Maynila.

Ang tatlong karangalan ay tinanggap ng pamahalaang lungsod ng Maynila sa ika-22 taong selebrasyon ng National Children’s Month na ginawa sa City Hall.

Tinanggap ni Lacuna ang tatlong parangal kasama sina Manila Department of Social Welfare head Re Fugoso at Manila Council for the Protection of Children Vice Chairperson Councilor Roma Robles, na kapwa nagpasalamat sa Department of Interior and Local Government (DILG) sa pagkilala ng iginawad sa lungsod. Ang nasabing parangal ay ipinagkakaloob ni DILG-Manila Director John Visca.

Nagpahayag ang lady mayor ng pasasalamat at ibinigay ang credit sa pagsisikap ng lahat ng opisyal at kawani na may kinalaman para matanggap ng pamahalaang lokal ang nasabing karangalan.

Nabatid na sa ikatlong sunod na taon, ang pamahalaang lungsod ng Maynila ay kinilala sa maraming inisyatibo sa pagbibigay ng proteksyon sa mga bata sa pamamagitan ng pinakamataas na pagkilala sa kanyang ‘Ideal Local Council for the Protection of Children (LCPC) Audit.’

Muli, sa ikalawang pagkakataon ang Maynila ay ginawaran ng karangalan sa pagiging ‘Highly-Functional Local Committee on Anti-Trafficking and Violence Against Women and Children (LCAT-VAWC)’, habang ang ikatlong parangal na natanggap ng lungsod dahil naman sa ‘High Performing Peace and Order Council Performance Audit.’

“Ang mga pagkilala at parangal na ito ay dapat na magbigay sa atin ng higit pang inspirasyon upang ipagpatuloy ang ating mga nasimulan, lalo pang palawakin ang mga programa at proyekto na atin nang ginawa at palakasin pang lalo ang ating kakayahang pangalagaan at bigyang-proteksyon ang mga batang Manilenyo,” saad ni Lacuna.

“Isang malaking tagumpay para Manila Council for the Protection of Children ang pagsasagawa ng Childrens’ Congress sa tulong ng Network of Duty Bearers at ng Manila Health Department.

Ang nasabing Childrens’ Congress ay naging daan upang marinig natin ng boses ng mga batang Manilenyo at maging mulat tayo sa kanilang mga pananaw sa iba’t ibang mga kaganapan sa ating lipunan,” dagdag pa ng alkalde.

Sa kanyang ‘State of the Children Address’ muling inulit ni Lacuna ang commitment ng kanyang administrasyon na suportahan ang lahat ng hakbang tungo sa proteksyon ng mga bata lalo sa lahat ng uri ng karahasan.

Sa nasabi ring okasyon, ang iba’t-ibang pinuno ng mga departamento, kawani at child protection advocates ay sumumpa rin na magtatrabaho para pag-unlad at kaligtasan ng mga bata. (JESSE KABEL RUIZ)

45

Related posts

Leave a Comment