‘MARITES’, FAKE EXPERT PARUSAHAN

PANAHON na para magkaroon ng pananagutan ang mga tinaguriang “fake expert at fake witnesses”.

Ito ang iginiit ni Iloilo Rep. Janette Garin kaugnay ng imbestigasyon ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa sa PDEA leaks kung saan kinukuwestiyon ang kredibilidad ng kanyang witness na si dating PDEA agent Jonathan Morales.

Ayon sa mambabatas, walang problema na magsagawa ng imbestigasyon kung may makitang matibay na ebidensya at may direksyon ang imbestigasyon dahil pera ng bayan ang ginagamit dito.

“But if it’s just an investigation so that people will talk about things, medyo mahirap yang ganyan. Kaya iyon nga, medyo mahirap yang ganyan kaya there should be accountability of fake experts and fake witnesses,” ani Garin sa press conference sa Kamara kahapon.

Sinabi ng mambabatas na tila nagma-marites na lamang si Morales sa Senado dahil wala umano itong naipakitang ebidensya laban sa kina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., at Maricel Soriano subalit binibigyan ito ni Dela Rosa ng pagkakataong magsalita.

Sinabi naman ni Bukidnon Rep. Keith Flores na marami ang nagsasabi na nagiging circus na ang imbestigasyon ni Dela Rosa at mistulang wala na itong patutunguhan.

“Some are saying na it’s now becoming a circus, iyong committee hearing na iyon. Tama iyong sinabi ni Congresswoman Garin din, ano ang direksyon? What do you want to achieve? Now, if you’re running a circus, you will naturally invite the clowns in,” ani Flores.

Nanghihinayang naman si Nueva Ecija Rep. Mikaela Suansing sa panahon na ginugugol sa imbestigasyon sa PDEA leaks gayung maraming panukalang batas ang naipasa na ng Kamara ang hindi pa inaaksyunan ng Senado.

“Supposedly tungkol sa PDEA Leaks ito, yet we still accord these supposed witnesses/whistleblowers that opportunity na sinasakay na po tayo. Kung saan-saan man na kuwento ito papunta,” ayon naman kay 1Rider party-list Rodge Gutierrez.

Samantala, naniniwala si dating vice presidential spokesperson Barry Gutierrez na ang desisyon ng House committee on dangerous drugs na imbitahan si dating Presidential economic adviser Michael Yang ang maglalantad sa katotohanan sa drug war ni dating Pangulong Rodrigo ‘Digong” Roa Duterte.

Sa isang post sa X (dating Twitter), kinatigan ng dating opisyal ang pahayag ni dating senador Leila de Lima na suportado nito ang hakbang ng House panel.

“Tama si @AttyLeiladeLima: Sana nga lumabas na ang buong katotohanan tungkol sa pekeng ‘drug war’ ni Duterte,”post ni Gutierrez.

“At kasunod, ang paniningil sa mga naging kasabwat dito, tulad ng gagawin sa ICC,” dagdag pa nito.

Tinukoy ni Gutierrez ang International Criminal Court kung saan inaasahan na magpapalabas ng desisyon ukol sa “crimes against humanity” na isinampa laban sa dating Pangulo at mga co-accused, kabilang na si Senador Bato Dela Rosa.

Sa hiwalay na post, suportado ni De Lima ang naging imbitasyon ng House panel kay Yang, pinaniniwalaang malapit na kaibigan ni Digong Duterte na ngayon ay idinadawit sa pagkakasamsam ng P3 bilyong halaga ng illegal drugs sa Mexico, Pampanga noong 2023. (BERNARD TAGUINOD/CHRISTIAN DALE)

24

Related posts

Leave a Comment