PATAY ang isang alkalde sa lalawigan ng Maguindanao, makaraang pagbabarilin ng hindi kilalaang mga suspek sa harap ng isang hotel sa Malate, Maynila, nitong Lunes ng gabi.
Kinilala ang biktimang si Abdul Wahab Sabal, 45-anyos, may asawa at mayor ng munisipalidad ng Sultan Sumangka (Talitay), Maguindanao.
Nangyari ang insidente sa harap ng Manra Hotel sa panulukan ng Quirino Ave. at Leveriza St. bandang alas-10:02 ng gabi noong Lunes.
Kababa lamang umano mula sa sasakyan ng alkalde kasama ang kanyang maybahay na si Mohana Sabal at bodyguard na si P/Cpl. Alwal Guimad y Caria.
Habang ibinababa nila ang kanilang gamit upang mag-check-in sa naturang hotel ay umalingawngaw ang tatlong putok ng baril at pagkaraan ay nakahandusay na sa entrance ng hotel si Mayor Sabal dahil sa mga tama ng bala sa katawan.
Nahagip naman ng CCTV camera ang isang lalaki habang pasakay sa hindi pa matukoy na sasakyan, sa kalsada malapit sa hotel.
Si Sabal ay kasama sa listahan ng narco-politicians ni Pangulong Rodrigo Duterte noong vice mayor pa ang biktima.
Inaresto si Sabal noong Setyembre 2016 dahil sa kasong may kaugnayan sa ilegal na droga. (DAHLIA ANIN/RENE CRISOSTOMO)
163