HAWAK na ngayon ng Philippine Drug Enforcement Agency ang isang kilo ng high grade marijuana o kush na nasabat sa isinagawang joint anti-illegal drug interdiction operation.
Ayon sa ulat, tinatayang nagkakahalaga ng P1.4 million ang high grade marijuana na nasamsam ng Bureau of Customs-Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA), sa pakikipagtulungan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG).
Dinakip ng mga awtoridad ang tumatayong consignee ng nasabat na parcel na napatunayang naglalaman ng kush, sa isinagawang entrapment operation sa Central Mail Exchange Center (CMEC) sa Pasay City.
Napag-alaman, idineklara na mga damit ang nasabat na kontrabando na nagmula sa Thailand.
Subalit sa masusing profiling na ginawa ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS), x-ray screening ng X-Ray Inspection Project (XIP), K9 inspection, at physical examination ay nadiskubre na iligal na kontrabando ang laman ng bagahe.
Agad ipinasa sa PDEA ang nadakip na consignee at confiscated illegal drugs para sa inquest proceedings dahil sa paglabag sa Republic Act No. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, as amended) at Republic Act No. 10863 (Customs Modernization and Tariff Act).
“This operation highlights the critical role of inter-agency collaboration in protecting our nation from the threat of illegal drugs,” pahayag ni Commissioner Bienvenido Y. Rubio, na binigyang-diin ang marubdob nilang kampanya na sugpuin ang pagpupuslit ng illegal drugs sa bansa. (JESSE KABEL RUIZ)
7