P10-M KETAMINE NASABAT SA MALAYSIAN-CHINESE NAT’L

TINATAYANG P10 milyong halaga ng ketamine, isang uri ng ilegal na droga, ang nasabat ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency mula sa isang Malaysian-Chinese national sa Pasig City.

Nakapiit na sa jail facility ng PDEA RO-III ang Malaysian-Chinese national na kinilalang si Thai Lian Shiong, 24, naninirahan sa The Currency Residence, sa Julia Vargas Avenue, Ortigas, Pasig City.

Sasampahan ang suspek ng kasong paglabag sa Section 4 (Importation of Dangerous Drugs) ng Republic Act 9165, matapos na dakpin sa isinagawang controlled delivery operation ng mga awtoridad.

Ayon sa ulat na isinumite ng mga operatiba ng PDEA Regional Office III, kay DG Mazo Virgilio Lazo, ang ketamine ay nagmula sa Malaysia at dumating sa Port of Clark noong nakaraang linggo.

Lumitaw sa pagsusuri ng Bureau of Custom at ng mga tauhan ng PDEA, nadiskubreng naglalaman ng illegal substance ang tatlong acupoint massage twister sa loob ng bagahe.

Sinasabing nasa dalawang kilo ng ketamine na nagkakahalaga ng P10,000,000, ang kontrabando na tinanggap ng suspek bilang consignee, sa ikinasang controlled delivery operation. (JESSE KABEL RUIZ)

103

Related posts

Leave a Comment