PAGLILITIS KAY DU30, ET AL IPAUUBAYA NA SA ICC

WALANG plano ang mga abogado ng mga biktima ng extra-judicial killings na kasuhan sa local court si dating pangulong Rodrigo Duterte dahil mas malaki umano ang pag-asang malitis at masentensyahan sa International Criminal Court (ICC).

Ito ang binanggit ni dating Bayan Muna party-list representative Neri Colmenares na naniniwalang lalong lumakas ang Crime Against Humanity laban kay Duterte dahil sa pag-ako nito ng responsibilidad sa madugong war on drug at pagkakaroon ng sariling Death Squad sa Senate Blue Ribbon committee.

“Kay Duterte ICC na yan. Nandyan na ang ICC malapit nang matapos yun. Ang posibilidad ng warrant of arrest napakalaki,” pahayag ni Colmenares.

Ipinaliwanag ng dating mambabatas na kung meron lamang pwedeng kasuhan sa local court ay ang mga pulis na nagsagawa ng EJK noong panahon ng war on drugs at ipaubaya na lamang umano ng mga ito sa ICC si Duterte at mga kapwa nitong akusado.

Kabilang sa mga respondent sa crime against humanity na nakasampa ngayon sa ICC si dating Philippine National Police (PNP) director general at ngayo’y Senador Ronald dela Rosa at iba pang dating PNP Chief.

Sinabi ni Colmenares na kahit ang mga kaanak ng mga biktima ng EJK ay tanging ang ICC ang pag-asa para makamit ang hustisya dahil kung idadaan ito aniya sa local court ay dehado ang mga ito.

“Tama po ang mahirap nung Nanay (na namatayan ng anak), mahirap lang po kami. Pangalawa yung hustisya, hindi sa amin ang hustisya (sa bansa). Hindi natin sila masisisi, ang sama ng karanasan nila sa ilalim ng ating justice system,” ayon pa kay Colemanres.

Maliban dito, kung kakasuhan si Duterte sa lokal na korte, hindi malayong ide-delay lang umano ng kanyang mga abogado ang paglilitis hanggang matapos ang kasalukuyang administrasyon at lalong malabong makamit ng mga biktima ang katarungan.

Dahil sinabi ni Colmenares na ang ICC na lamang ang pag-asa para makamit ng mga biktima ng EJK ang katarungan. (BERNARD TAGUINOD)

135

Related posts

Leave a Comment