(NI LYSSA VILLAROMAN)
INIHAYAG ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na walang dapat katakutan sa matinding traffic na mararanasan sa pagbubukas ng 30th Southeast Asian Games, bukas, sa Philippine Arena, Bocaue, Bulacan.
Inabisuhan ni MMDA traffic czar, Bong Nebrija, ang publiko na planuhin ang kanilang biyahe o di kaya ay sumakay na lang bus upang maiwasan ang traffic dahil sa pag-implementa ng stop-and-go scheme at ng mga alternatibong ruta.
Sinabi rin ni Nebrija na sa ilalim ng stop-and-go scheme ang traffic ay pipigilin ang pagdaan ng sasakyan ng mga delegado at muling ipagpapatuloy lang ang daloy ng trapiko matapos na makalagpas na ang sasakyan ng mga delegado.
“There’s really no need to be scared of the traffic. Ang kailangan lang po natin talaga is planuhin natin yung travel time natin tomorrow. Kung pupunta kayo ng mall… you could go there early para hindi na kayo sasabay sa traffic ng hapon na magkakaroon tayo ng stop-and-go,” ayon kay Nebrija.
Sinabi rin ni Nebrija na ang MMDA ay magpapakalat 95 na tauhan sa kahabaan ng EDSA bilang dagdag sa mga nakakalat ng 325 na MMDA enforcer.
Dagdag pa ni Nebrija na pumayag na rin ang Department of Public Works and Highways na itigil muna ang kanilang isinasagawang road works subalit meron din naman na kailangan ipagpatuloy dahil sa safety issue.
Inamin din ni Nebrija na kahit nag-umpisa na ang holiday rush ay pansamantalang naka-focus sila ngayon sa SEA games.
“We will be on our toes to manage this, pero as of now hindi pa talaga kami naka-Christmas mode, nasa SEA games mode pa lang kami,” ayon kay Nebrija.
Dagdag pa ni Nebrija sa kanilang pagprepara sa holiday season ay kasama na ang adjusted mall hours at ang kanilang kahilingan sa mga mall owners na mag-provide ng shuttles para sa kanilang mga empleyado.
“We’ve been honest with the public, na August pa lang, 405,000 na ang traffic volume EDSA alone at inaasahan na rin naming na ito ay tataas ng 15 to 20% during the Christmas rush,” ayon pa kay Nebrija.
198