KAPWA sumailalim sa drug test ang magkatunggali sa susunod na eleksyon sa unang distrito ng Davao City na sina incumbent Rep. Paolo ‘Polong’ Duterte at PBA party-list Rep. Margarita Nograles.
Kahapon ng umaga ay sumailalim si Duterte sa folic hair drug test matapos kuwestiyunin ni Nograles ang unang post nito habang kinukunan ng buhok sa ulo para sa kanyang drug test dahil kuha umano ito noong Agosto.
Lumabas sa negatibo sa anumang illegal drug substance ang drug test ni Duterte noong Agosto.
“I appreciate that you have posted your drug test result but this is an old test done last August. For the sake of transparency and accountability to the people of Davao City, I’d like to invite you to join me for a new drug test tomorrow (October 23) at 1:30 PM at Hi Precision Laboratory in Bajada, Davao City. Let’s do it at the same time and together show the people of Davao City that we are not afraid to prove ourselves. Hope to see you there,” ani Nograles.
“Subalit bago ito ay hinamon ni Duterte si Nograles na sumailalim din sa kahalintulad na pagsusuri para sa kapakanan ng kanilang mga constituent sa unang distrito ng Davao City.
“Hinahamon ko ang aking katunggali sa pagka-representante ng Unang Distrito ng Davao City, na sinasabing miyembro ng mga ‘young goons’ sa Kongreso, o ‘guns’ ba iyon, na magpa-hair follicle test din,” ani Duterte.
“Ako, natapos ko na, pero kung kinakailangan pa, handa akong magpa-hair follicle test muli, at ulit-ulitin pa ito upang ipakita na walang dapat ipag-alala ang ating mga kababayan tungkol sa integridad ng kanilang mga lider,” dagdag pa nito.
Bilang tugon, hinamon ni Nograles si Duterte na sabay silang magpa-follicle test subalit hindi ito nangyari kaya magkahiwalay ang dalawa ng nagpasuri.
Isinagawa ang drug test ni Nograles sa Hi Precision Laboratory sa Bajada, Davao City subalit hindi sinabi kung saan isinagawa ang drug follicle test ni Duterte pero naglabas ng video ang kanyang tanggapan ukol dito.
Samantala sa press conference kahapon, sinabi ni Laguna Rep. Dan Fernandez na bagama’t handa ang mga ito na magpa-drug test, itinuturing nito na isa itong uri ng panlilihis ni Vice President Sara Duterte para takasan ang kanyang pananagutan sa paglustay sa kanyang confidential at intelligence funds (CIF).
“Medyo inilihis tayo eh. Magaling sila sa ganyan. Kahit nga si former president magaling maglihis ng mga issue eh.Hindi niyo napapansin, inilihis niya eh, hindi niya pinopokus (sa issue),” ani Fernandez.
Sinabi naman ni Manila Rep. Bienvenido Abante Jr., na hindi lamang drug test at neuro test kundi psychological at spiritual test ang dapat daanan ng lahat. (BERNARD TAGUINOD)
67