RICKY RECTO, UMATRAS SA PAGTAKBONG GOBERNADOR NG BATANGAS

ILANG araw bago maghalalan, umatras sa pagtakbo sa pagkagobernador ng Batangas si Richard “Ricky” Recto.

Personal na nagtungo sa tanggapan ng Comelec-Batangas si Recto para i-withdraw ang kaniyang certificate of candidacy.

Dala nito ang kopya ng statement of withdrawal of candidacy niya, patunay na iniurong na nito ang kanyang kandidatura bilang gobernador ng lalawigan ng Batangas sa darating na halalan.

Nakasaad din duon na walang substitute sa kanyang pag-atras.

Wala namang sinabing dahilan si Recto sa kanyang pag-atras.

Nag-file si Recto ng kanyang kandidatura noong October 15 bilang independyente.

Bago pormal na inihain ang kanyang pag-urong, nakitang kasama nito si Vice Governor Mark Leviste na nag-uusap sa labas ng tanggapan ng Comelec sa kapitolyo ng Batangas.

Dahil dito, tatlo na lamang ang maglalaban sa pagka governor ng Batangas na sina Praxedes Bustamante (Independent), Prudencio Gutierrez (Nationalist People’s Coalition or NPC) at ang Incumbent governor Hermilando “Dodo” Mandanas (PDP-Laban).

Si Recto, na kapatid ni Senador Ralph Recto ay dating nanungkulan bilang vice governor ng Batangas.

Noong 2006, inakusahan ng kasong murder si Recto dahil sa umano ay sangkot ito sa pagsabog ng sasakyan ni noon ay Batangas Governor Armando Sanchez habang nakaparada sa compound ng Batangas Provincial Capitol na ikinamatay ng dalawa katao at ikinasugat ng gobernador.

Subalit noong 2014, ibinasura ng Department of Justice (DOJ) ang kaso matapos mag-file ng motion for reconsideration si Recto at baligtarin ng DOJ ang kanilang naunang ruling na may probable cause sa kaso ng dating vice governor. (NILOU DEL CARMEN)

161

Related posts

Leave a Comment