(NI ROSE PULGAR)
MAKARAAN ang dalawang linggong sunod na pagpapatupad ng malakihang taas presyo sa mga produktong petrolyo, ngayong umaga ay magpapatupad naman sila ng bigtime rollback (Oktubre 1).
Sabado ng hapon ay nagpalabas ng abiso ang kompanyang Pilipinas Shell at Petro Gazz ang bawas presyo na P1.45 kada litro ng gasolina, P0.60 sa diesel at P1.00 naman kada litro sa kerosene na epektibo Lunes ng alas-6:00 ng umaga.
Nitong Lunes ay nag-anunsiyo na rin ang PTT Philippines , Petron Corporation na kahalintulad din na halaga ng pagbaba sa presyo ng kanilang mga produktong petrolyo na epektibo ngayong alas-6:00 ng umaga (Oktubre 1).
Inaasahan naman na susunod na magpalabas ng abiso ang ilan pang malalaki at maliliit na kompanya ng langis sa bansa ng bawas presyo sa kanilang mga produktong petrolyo sa kahalintulad na halaga.
Ang ipinatupad na malakihang bawas presyo sa mga produktong petrolyo ay bunsod sa patuloy na paggalaw ng presyuhan nito sa pandaigdigang pamilihan.
Samantala, nagbabadya naman may malakihang dagdag presyo sa Liquefied Petroleum Gas (LPG) ngayon buwan ng Oktubre.
Base sa report ng mga taga-industriya, apektado rin ang presyo ng LPG sa pagbomba ng mga oil facility sa Saudi Arabia.
Sa pagtaya ni Jun Golingay, pangulo ng LPG importer na South Pacific Inc., umabot umano sa P5 kada kilo ang iminahal ng presyo ng LPG sa world market.
Sa pagtaya ng mga oil companies , tantiya niya nasa P4 hanggang P5 kada kilo ang magiging dagdag-presyo sa LPG ngayon pagpasok ng buwan ng Oktubre na katumbas ng P44 hanggang P55 sa kada regular na tangke.
Napako lang ang presyo ng LPG noong Agosto at Setyembre.
Sa ngayon, naglalaro sa P550 hanggang P695 ang kada 11 kilong tangke ng LPG.
Pero ngayon buwan ng Oktubre, maaaring umabot sa P750 ang presyo ng LPG kung magiging P5 kada kilo ang dagdag-presyo nito.
125