PANSAMANTALANG papalitan ang security ni Vice President Sara Duterte, ayon kay Armed Forces of the Philippines chief of staff Gen. Romeo Brawner kasunod ng ginawang AFP Leadership Summit sa Camp Aguinaldo, Quezon City.
Agad din nilinaw ni Brawner na pansamantala lang papalitan ang mga existing military personnel na naka-deploy sa ilalim ng Vice President Security and Protection Group (VPSPG).
“Hindi po natin iiwan, because the security of the Vice President is still of primary concern to us. Dahil nga po, kung merong nangyari, let’s say may nangyari sa ating Vice President, maaaring ito yung simula ng kaguluhan ano because of yung salaysay na rin na binanggit niya na kung may mangyari sa kanya, meron po siyang mga actions na gagawin against the President, the First Lady and the Speaker of the House,” ani Brawner.
Papalitan aniya ng contingent mula sa AFP at PNP ang mga security personnel matapos silang makatanggap ng subpoena mula sa PNP na isasailalim sa imbestigasyon ang mga tauhan ng VPSPG.
Mariin ding itinanggi ni Brawner na kanyang ite-takeover ang VPSPG dahil hindi na niya ito kayang tutukan.
Samantala, inihayag din ni Philippine National Police Chief Gen. Rommel Francisco Marbil na pinag-aaralan ang posibleng pagsampa ng kaso laban kay Vice President Sara Duterte at kanyang mga security personnel at staff. (JESSE KABEL RUIZ)
42