TRIAL RUN NG CHINA-MADE DALIAN TRAIN PALALAWIGIN PA

(NI KEVIN COLLANTES)

NAGPASIYA ang Department of Transportation-Metro Rail Transit Line 3 (DOTr-MRT-3) na palawigin pa ng isang buwan ang trial run ng China-made na Dalian train.

Ayon sa DOTr-MRT 3, ang orihinal na petsa ng trial run ng naturang train set ay mula Oktubre 15 hanggang, Oktubre 31 lamang.

Gayunman, nagpasya silang patagalin pa ng hanggang Nobyembre 30, 2019, mula 8:30 ng gabi hanggang 10:30 ng gabi, araw-araw, ang initial trial period ng Dalian train upang higit pang maobserbahan na mabuti ang performance ng Dalian train set sa linya ng MRT-3.

Layunin din nitong makatulong sa inaasahang dagsa ng mga mananakay ngayong holiday season.

“Extended ang initial deployment period ng unang train set ng Dalian,” anunsiyo ng DOTr-MRT3

Samantala, sinabi naman ni MRT-3 Director for Operations Michael Capati na mula nang sinimulang patakbuhin ang nasabing train set sa linya ay wala naman itong naitalang isyu o aberya.

Sa katunayan, positibo pa aniya ang naging tugon ng mga mananakay sa kanilang biyahe lulan ng Dalian train.

“Wala naman pong issues na lumabas. Noong tinanong po namin ang aming mga mananakay at satisfied naman po sila sa pagsakay at pag-launch natin ng Dalian train,” ayon kay Capati.

Ang unang Dalian train set ay kabilang na sa regular fleet ng MRT-3 na bumibiyahe araw-araw, matapos na pirmahan ng maintenance provider na Sumitomo-MHI-TESP noong Oktubre 14, 2019 ang kasunduang nagbibigay pahintulot na patakbuhin ang isang Dalian train set sa rail line.

Ipinababatid naman ng ahensya na sa sandaling magsimula ang pagpapalit ng riles ng MRT-3 ay maaaring pansamantalang ipatigil ang deployment ng nasabing train set.

Ang isang Dalian train set na may tatlong bagon ay kayang makapagsakay ng 1,050 pasahero kada biyahe.

Ang MRT-3, na bumibiyahe sa kahabaan ng Epifanio delos Santos Avenue (EDSA), ang siyang nagdudugtong sa North Avenue, Quezon City at Taft Avenue, Pasay City.

 

225

Related posts

Leave a Comment