QUEZON – Patay ng isang 38-anyos na vendor habang sugan ang 4-anyos nitong anak makaraang tambangan habang pauwi ng kanilang bahay lulan ng tricycle sa bayan ng Sariaya sa lalawigang ito.
Agarang namatay ang biktimang si Edmar Samarita dahil sa mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Isinugod naman sa ospital sa Lucena City at nilalapatan ng lunas ang anak nito na si Nicko na tinamaan din ng bala sa walang habas na pagpapaputok ng hindi kilalang suspek.
Batay sa report ng Sariaya Police, bandang alas-7:40 noong Huwebes ng gabi, sakay ang mag-ama sa kanilang tricycle at pauwi na sa kanilang bahay sa Barangay Montecillo, Sariaya.
Habang tinatahak ang barangay road sa Sitio Masigasig ay niratrat ng hindi kilalang suspek ang mag-ama.
Pagkaraan ay mabilis na tumakas ang suspek sa sa kadiliman ng gabi.
Patuloy pa ang imbestigasyon at inaalam ng mga awtoridad ang posibleng motibo sa krimen at kung sino ang suspek. (NILOU DEL CARMEN)
110