MISMONG si Vice President Sara Duterte ang hindi sumunod sa kanyang “no gift policy” dahil sa mga sobreng may lamang pera na ‘regalo’ umano nito sa mga mataas na opisyal ng Department of Education (DepEd) na dati niyang pinamumunuan.
Sa pagdinig ng House committee on good government and public accountability, sinabi ni Manila Rep. Bienvenido Abante Jr., na naglabas ng patakaran si Duterte sa DepEd na huwag silang tatanggap ng anumang regalo.
“I remember, some years ago when the Vice President is in DepEd, there’s a rule she makes…no gift policy,” ani Abante kung saan kinumpirma ito ng dating Chief of Staff ni Duterte sa DepEd na si Atty. Michael Poa.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag matapos umamin ang tatlong opisyales ng DepEd na nakatanggap ang mga ito ng sobre na regalo umano ni Duterte.
Huling umamin na nakatanggap ng sobre si DepEd Chief Accountant Ma. Rhunna Catalan, sa ikaapat na pagdinig ng komite hinggil sa maling paggamit umano ng confidential and intelligence funds (CIF) ni Duterte, hindi lamang sa nasabing ahensya kundi sa Office of the Vice President (OVP).
“Yes sir. Minimal amount lang po. It’s not even… It’s 25,000,” ani Catalan kung saan 9 na beses itong nakatanggap mula kay dating DepEd Assistant Secretary Sunshine Fajarda, o mula Pebrero 2023 hanggang September 2023.
Si Fajarda ang isa mga pumirma sa dokumento kaugnay ng P112.5 million bahagi ng P150 million CIF ni Duterte sa DepEd para mai-withdraw ito kaya tinanong umano nito si Fajarda kung ito ay mula sa confidential funds.
Bago si Catalan, umamin din sina dating DepEd undersecretary Gloria Mercado at DepEd Director IV Resty Osias na nakatanggap sila ng sobre na may lamang pera mula kay Duterte na ayon kay Abante ay paglabag sa sariling polisiya ng Bise Presidente.
Ayon kay Abante, maaaring inisip ni Duterte na ang pagtanggap ng regalo ay isang uri ng katiwalian kaya inilabas nito ang “no gift policy” subalit lumalabas aniya na siya mismo ang hindi sumunod dito. (BERNARD TAGUINOD)
6