RAPIDO ni PATRICK TULFO
NAGKAROON na sa wakas ng pirmahan sa pagitan ng mga ahensya ng gobyerno, ang Department of Trade and Industry (DTI), Department of Finance (DOF), Department of Migrant Workers (DMW), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), at Bureau of Customs (BOC), upang hanapan ng solusyon ang lumalalang problema ng mga naabandonang balikbayan boxes sa Bureau of Customs.
Layunin ng pagsasanib-pwersa ng naturang mga ahensiya na may kinalaman sa problema, na makagawa ng mga regulasyon o panuntunan para masawata na ang suliraning ito.
Sa aking panayam kay Asec. Francis “Kiko” De Guzman ng DMW, sa aking programa na may kapareho ring titulo, na napakikinggan sa DZME 1530khz, sinabi nito na layunin nilang makahanap ng solusyon bago pa magsimula ang tinatawag na balikbayan box season sa huling bahagi ng taon.
Itinanong ko rin kay Asec. De Guzman kung kasama ba sa solusyon ang pagsasampa ng kaso sa consolidators o cargo forwarders na gumagawa nito. Ayon kay Atty. De Guzman, pinag-aaralan na nilang masampahan ng reklamo ang mga nasa likod ng problema rito sa Pinas, at maging sa ibang bansa kung saan matatagpuan ang opisina ng mga ito.
Kinakailangan na makasuhan ang mga may-ari ng mga cargo company o consolidators na paulit-ulit na ginagawa ito upang magsilbing leksyon sa iba pa na nasa ganito ring uri ng negosyo.
Dapat unahing kasuhan ng gobyerno si Marilyn Canta, may-ari ng Tag Cargo, dahil sa rami ng naperwisyo nitong OFWs. Kasalukuyan daw nagtatago sa Kuwait si Canta kung saan nakabase ang negosyo nito na sarado na raw ngayon.
Pero hindi dapat na ang mga consolidator lang ang imbestigahan ng gobyerno. Dapat ay maimbestigahan din ang isang dating opisyal ng auction division ng Customs na nag-auction ng ilang containers sa ilang deconsolidators, kahit pa sinimulan na ng BOC ang proseso ng donation ng mga ito papuntang DMW.
Problema ngayon ng DMW ang ilang containers na napanalunan ng isang deconsolidator na may opisina riyan sa Valenzuela, dahil ayaw ibigay ng may-ari nito ang mga kahon na galing sa Saudi at sinisingil ang DMW sa ginastos niya rito.
Hinahabol ng isang grupo ng mga may-ari ng kahon, ang mga container at handang bayaran na lang ang mga ito.
Pero itinuloy pa rin ng dating opisyal ang auction sa naturang containers.
