MGA BILANGGO MAS NANGANGANIB SA COVID-19

PRESO-2

DAHIL hindi ubra ang social distancing sa mga bilangguan, mas nalalagay sa matinding panganib ang mga bilanggo o Persons Deprived of Liberty (PDL) sa COVID- 19.

Ito ang dahilan kaya hiniling ni Quezon City Rep. Alfred Vargas sa Bureau of Jail Management and Penelogy (BJMP) na magpatupad ng dobleng pag-iingat sa mga bilangguan.

“It only takes one positive case to infect the whole population of the jail,” babala ni Vargas lalo na’t mas naging siksikan ang lahat ng mga bilangguan sa bansa noong nakaraang taon.

Nabatid sa kongresista na tumaas ng 400% ang bilang ng PDLs noong 2019 dahil sa patuloy na kampanya ng gobyerno laban sa droga at iba pang uri ng kriminalidad.

Dahil dito, umaabot na umano sa 130,000 ang PDL sa 476 jail facilities sa bansa gayung nakalaan ang mga pasilidad na ito para sa 30,000 bilanggo lamang kaya hindi ubra ang social distancing sa mga ito.

Upang masolusyunan aniya ang problema, inirekomenda ni Vargas na ihiwalay ang mga PDL na may sakit sa malulusog bilang bahagi ng pag-iingat sa gitna ng paglaganap ng COVID-19.

Dapat din aniyang ihiwalay ang matatandang PDL dahil ang mga ito ang mas nanganganib sa virus.

Kailangan din aniya ang regular na paglilinis sa lahat ng mga bilangguan sa bansa upang maiwasan makapasok ang COVID-19  dahil ito na lamang ang pag-asa upang makaligtas sa nasabing salot ang mga PDL.

“Persons Deprived of Liberty (PDL) have rights, too,” ani Vargas kaya dapat tiyakin ng BJMP ang kaligtasan ng lahat ng bilanggo sa buong bansa. BERNARD TAGUINOD

265

Related posts

Leave a Comment