MGA DAGDAG NA BUWIS PINAGTIBAY SA KAMARA

PINAGTIBAY ngayong Martes sa plenaryo ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang mga panukalang batas na magpapataw ng buwis sa mga Non-residential Digital Service Providers at paggamit ng single-use plastic bags.

Bukod dito, pinagtibay sa ikalawang pagbasa ang package 4 ng Comprehensive Tax Reform Program (CTRP) na magtatanggal sa documentary stamp taxes (DSTs) subalit mag-aalis sa tax exemption ng pick-up trucks.

Base sa pinagtibay na panukala, papatawan na ng 12% value added tax (VAT) ang Facebook, Google, Netflix, Youtube, Spotify, online sellers platform tulad ng Shopee, Lazada at iba pa, pati webinar.

Sisingilin na ng P100 kada kilo ang mga korporasyon na gumagamit ng single-used plastic bags sa kanilang mga produkto na tumaas mula sa orihinal na P20 kada kilo na pinagtibay sa committee level.

“With this, the House wraps up with all the priority tax measures of the Duterte-era Comprehensive Tax Reform Program, and is ready to move on to tax collection reforms, as prioritized by the Marcos administration,” ani House ways and means chairman Joey Salceda na nag-sponsor sa mga nabanggit na panukala.

Sinabi ng mambabatas na inaasahang makakalikom ng P47 billion karagdagang buwis sa mga nabanggit na panukala kada taon kung saan P12 billion dito ay mula sa nonresident DSP VAT at P5 billion mula sa buwis sa plastic bag.

“The remaining P30 billion from Package 4, the bulk of which will come from removing the tax exemption in pickup trucks, and increasing the tax rates on foreign currency deposit units to 20%,” paliwanag ng mambabatas.

Sinabi ng mambabatas na bilyon-bilyong dolyar ang hinahakot ng DSP sa Pilipinas at hindi rin makatarungan na libre sa buwis ang mga pick-up truck dahil tanging ang mga may kaya sa buhay ang bumibili nito at hindi ang mahihirap. (BERNARD TAGUINOD)

277

Related posts

Leave a Comment