MGA DEBOTO PRAYORIDAD NG DILG SA PISTA NG NAZARENO

NILINAW ng pamunuan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na nananatiling prayoridad ng DILG at ng Philippine National Police (PNP), ang kaligtasan ng milyon-milyong debotong makikiisa sa Traslacion 2026 o Kapistahan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno.

Bagaman walang natatanggap na banta, mananatiling nakaalerto ang higit sa 18,000 pulis at force multipliers upang tiyakin ang kaayusan, kapayapaan at kaligtasan ng mga deboto.

“Makaaasa po kayong may mga pulis sa mga ruta na dadaanan ng Mahal na Poong Nazareno,” ani Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla.

Pinaalalahanan din ni Sec. Remulla ang mga deboto na ipinagbabawal ang mga matatalim at nakasasakit na bagay tulad ng payong, kutsilyo at iba pa. “Bawal din po ang mga baril, paputok at pyrotechnic devices, mga lalagyang babasagin para sa tubig, at ang pagsusuot ng hoodie jackets at mga sombrero,” aniya pa.

Ayon pa sa kalihim, “Nakatutok ang DILG at PNP sa mahalagang araw na ito ngunit mariin po naming pinapaalalahanan ang ating mga kababayan na maging alerto laban sa mga kriminal at masasamang loob.”

Nakikiisa ang DILG sa mga deboto at mananampalataya sa pagdiriwang ng Pista ng Mahal na Poong Nazareno at pagsasagawa ng taunang tradisyon ng Traslacion na gaganapin sa Enero 9, 2026.

Paalala pa ni Sec. Remulla: “Sa pagsisimula ng taon, maging inspirasyon nawa ang Mahal na Poong Nazareno sa sama-sama nating pagkilos tungo sa isang mas maunlad at progresibong Bagong Pilipinas.”

(JESSE RUIZ)

79

Related posts

Leave a Comment