MARIING kinondena ng grupo ng mga guro ang tinawag nilang “kriminal na kapabayaan” ng gobyerno sa sektor ng edukasyon matapos lumabas ang ulat na 24.8 milyong Pilipino ang functionally illiterate — o hindi nakakabasa at nakasusulat nang naaayon sa pang-araw-araw na pangangailangan.
Sa isang matinding pahayag, sinabi ni Alliance of Concerned Teachers (ACT) Philippines Chairperson Ruby Bernardo na ang naturang bilang ay hindi lang mga numero, kundi mga tunay na Pilipinong itinanggi ang kanilang pangunahing karapatan sa dekalidad na edukasyon.
“Ito ang mapait na ani ng talamak na kakulangan sa pondo, komersyalisasyon ng edukasyon, at ang kabiguan ng gobyerno na unahin ang kapakanan ng mga mag-aaral at guro,” ani Bernardo.
Giit pa ng ACT, lalong lumalala ang krisis sa edukasyon dahil sa mahinang paggastos, katiwalian, at hindi makataong kondisyon sa pagtatrabaho ng mga guro.
“Gaano man kalaki ang ibigay ng mga guro, lalala lamang ang functional illiteracy kung patuloy na magugutom sa pondo ang edukasyon habang bilyun-bilyon ang ibinubuhos sa mga proyektong puno ng katiwalian,” dagdag ni Bernardo.
Binalaan din ng grupo na mananatiling sira, siksikan, at kulang sa kagamitan ang mga paaralan, at lalong tataas ang antas ng kahirapan sa pag-aaral kung hindi kikilos ang gobyerno para tugunan ang ugat ng problema.
(PAOLO SANTOS)
64
