(Ikapitong Bahagi)
Ang information and communications technology o ICT ay dagdag na salik na nagpatingkad ng hati o divide sa lipunan at sa larangan ng edukasyon.
Upang maabot ng mga kasalukuyang henerasyon ng guro ang mga Generation Z, at para na rin mapagdugtong ang umiiral na gap sa classroom, sinabi sa nakaraang artikulo na dapat may pag-angkop na maganap lalo na sa bahagi ng mga guro.
Ang pag-angkop na tinutukoy ko ay sa larangan ng pagtuturo na nakaangkla sa pagiging creative lalo na sa paggamit ng information and communication technologies (ICT). Marami namang guro ang nakita kong nagsikap tumugon sa hamon na ito sa kagustuhang mas maging makabuluhan pa rin ang pag-aaral sa classroom environment.
Para sa mga nasa pribado at ilang mga pambublikong paaralan na may maayos na budget, mabilis na nakasabay ang mga guro, o iba pang nauunang henerasyon. Bagama’t gaya ko, marami pa ring aspeto ng ICT ang nananatiling mapanghamon. Dahil minsan, kulang na rin sa oras at pasensiya para mag-explore. Marami pang potensiyal ang ICT na pwede pang matututunan.
Ganunpaman, makikita na sa panibagong larangang ito ng ICT, lumalabas pa rin na ‘di pantay ang playing field kung tutuusin. Bagama’t malaking bahagdan na ng paaralan ngayon ay mayroon nang access sa computer technology, sobrang baba pa rin ang mayroong koneksiyon sa Internet.
Malaking bagay ang pagkakaroon ng mabilis na access sa mga impormasyon at iba pang mga programang makikita lamang sa pamamagitan ng Internet. Tila dito nakakaungos ang mga pribado at mas may perang mga pampublikong institusyon.
Mas mapanghamon naman ang kalagayan ng marami pa ring pampublikong paaralan lalo na ‘yung mga mahihirap na probinsiya, kung saan hindi sa kanila pangunahing isyu ang ICT dahil ‘di pa nga nakakahawak ng computer ang mga bata.
Sa mga paaralang ito, ang problema ay maayos na bubong ng paaralan, tulay na daraanan para mas mabilis makapasok lalo na kung tag-ulan. Idagdag pa natin dito ang pangangailangan ng maayos na kasuotan, gamit, o pagkain para mas makapokus at makatugon sa mga hamon ng pag-aaral.
Ito yata ang impormasyong ‘di umaaabot sa radar ng mga dapat makasagap sa panahong sinasabing napakabilis na ang paglalakbay ng impormasyon. (Psychtalk / EVANGELINE C. RUGA, PhD)
