MGA MILITANTENG GRUPO NAGKAISA KONTRA ‘ANOMALYA AT KORUPSYON’ SA PRIVATIZATION NG PUBLIC SERVICES

NAGTIPON ngayong araw ang iba’t ibang militanteng at progresibong organisasyon mula sa sektor ng manggagawa, kababaihan, kabataan, propesyunal, hanggang mga samahang masa upang buuin ang pagkakaisa laban sa lumalawak na privatization ng mga pangunahing serbisyong pampubliko gaya ng tubig, kuryente, transportasyon, at iba pang imprastruktura.

Ayon sa grupo, ang mga proyektong ito ay “puno ng anomalya, nepotismo, at malawakang korapsyon.”

Kabilang sa mga pangunahing grupo sa inisyatiba ang Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ), Freedom from Debt Coalition (FDC), Sanlakas, Partido Lakas ng Masa (PLM), Oryang, National Confederation of Labor (NCL), Federation of Free Workers (FFW), Puso ng NAIA, Socialista, Katipunan, at UP Asian Center.

“Malinaw na ang patakarang privatization ng gobyerno ay lantarang pag-amin sa kapalpakan nitong gampanan ang tungkulin sa sambayanan — ang maghatid ng mabilis, dekalidad, at abot-kayang serbisyong pampubliko,” pahayag ni Glecy Naquita, lead organizer ng kumperensya.

“Ang mas malala, ito ang mas sopistikado pero higit na malawak na paraan ng korapsyon — bunga ng nepotismo — kung saan sangkot ang mga ultra-bilyonaryong negosyante na malalapit sa mga nasa kapangyarihan,” dagdag pa niya.

Giit ng mga grupo, sa halip na ayusin ang pamamahala, binibigyan umano ng gobyerno ng pribilehiyo ang malalaking korporasyon na kumita sa dagdag-gastusin ng publiko.

Kabilang sa kanilang kinokondena ang: Privatization ng serbisyo sa tubig sa ilalim ng Prime Water ng mga Villar; Power plant sa Pagbilao, Quezon na hawak ng Aboitiz; At ang NAIA privatization project na pinamumunuan ni Ramon Ang.

Dagdag pa ng grupo, parehong alyado ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sina Ang at Aboitiz.

Bilang patunay ng umano’y “komersyalisasyon ng serbisyo,” binanggit nila ang higit 500% pagtaas ng singil sa NAIA sa ilalim ng pribadong kontraktor nito — habang nananatiling walang makabuluhang pagbabago sa pasilidad, mahigit isang taon matapos itong ilipat sa pribadong pamamahala.

(PAOLO SANTOS)

106

Related posts

Leave a Comment