MGA NA-RESCUE NAPABAYAAN SA DELPAN EVACUATION CENTER

VIRAL ngayon sa social media ang kalunos-lunos na sitwasyon ng mga nananatili sa Delpan Evacuation Center na tila napapabayaan na umano ng kasalukuyang lokal na pamahalaan.

Bagama’t may nakalaan namang pondo para rito, aminado ang Manila Department of Social Welfare (MDSW) na hirap silang alagaan ang mga nananatili ngayon sa nasabing evacuation center.

Giit ni MDSW Dir. Re Fugoso, ginagawa nila ang lahat para alagaan ang nasa halos 150 indibidwal na nasa evacuation center pero dahil ang ilan ay may problema sa pag-iisip, hirap silang alagaan ang mga ito.

Aniya, hindi raw nila mailipat sa Manila Boys Town ang ilan sa mga ito dahil nangangamba sila na manakit ng ibang indibidwal.

Hindi rin nila kaya mag-alaga sa rate ng “one is to one” dahil limitado lang ang kanilang kakayahan at kahit na bihisan daw nila ang mga tao na nasa evacuation center ay naghuhubad pa rin daw ang mga ito at nahihiga sa sahig habang ang iba naman ay naliligo nang ganoon ang sitwasyon.

Paliwanag pa ni Fuguso, marami na rin silang nilapitan na ahensiya para makahingi ng karagdagang tulong pero wala silang natatanggap ngunit nabibigyan naman nila ng makakain at shelter ang mga ito.

Nabatid na kumakalat ngayon sa social media ang kalunos-lunos na sitwasyon ng mga nananatili sa Delpan Evacuation Center kaya’t marami ang nagtataka kung bakit walang ginagawa ang kasalukuyang lokal na pamahalaan lalo na’t may nakalaan naman umano na pondo para rito.

(JOCELYN DOMENDEN)

44

Related posts

Leave a Comment