PORMAL na inendorso ng mga pangunahing lider ng Quirino Province si Erwin Tulfo bilang kandidato sa Senado para sa darating na halalan ngayong Mayo, sa pangunguna nina Governor Dakila “Dax” Cua at Lone District Representative Midy Cua.
Nitong Huwebes, binisita ni Tulfo ang probinsya na may mahigit 130,000 na rehistradong botante kung saan mainit ang naging pagtanggap sa kanya ng mga opisyal. Mismong ang mga lider na ng Quirino ang nagsabi na simula noong sekretarya pa lang ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) si Tulfo ay walang patid na ang pagtulong nito sa probinsya.
Bukod sa mga Cua, nakuha rin ni Tulfo ang endorsement nina Quirino Vice Governor Jojo Vaquilar, Aglipay Mayor Jerry Agsalda, Saguday Mayor Jerry Pagbilao, Diffun Mayor May Calaunan, Cabarroguis Mayor Avelino Agustin, Maddela Vice Mayor Joel Badongen, mga miyembro ng Sanggunian, at mga Kapitan ng barangay.
Matatandaang aktibong tumutulong si Tulfo sa probinsya sa pamamagitan ng pagbibigay ng ayuda at paglalapag ng mga programa, noong panahon na Social Welfare Secretary pa lamang siya, hanggang sa naging kinatawan ng ACT-CIS Party-list.
Isang kaalyado sa liderato ng Quirino, dumalo rin si Tulfo sa mahahalagang pagdiriwang sa probinsya tulad ng Quirino Motorismo noong nakaraang taon.
Mainit din ang naging suporta at pagtanggap ng mga residente ng Quirino sa katatapos lang na pagbisita ni Tulfo sa mga palengke ng Diffun at Cabarroguis.
Ani Tulfo, “Lubos akong nagpapasalamat sa mga pinuno ng Quirino at mga residente nito na laging nakasuporta sa akin lalo na sa paparating na eleksyon. Asahan po ninyo na kung gaano ako naging aktibo sa pagtulong sa lalawigan noon, mas paiigtingin pa natin kung tayo ay palarin na maging Senador”.
Bukod sa Quirino, nakuha rin ni Tulfo ang malaking suporta mula sa mga lider sa Pampanga na may 1.68 milyong rehistradong botante.
