NAGPAHAYAG ng pangamba ang ilang senador sa ulat na maraming bilang ng mga pribadong eskuwelahan ang nagbantang hindi magbubukas ngayong darating na pasukan.
Sinabi ni Senador Win Gatchalian na hindi dapat ipagsawalang-bahala ng pamahalaan ang pahayag ng mga paaralan na hindi muna magbubukas ngayong school year.
Noong Setyembre 10 ay iniulat ng Department of Education (DepEd) na mahigit 748 pribadong paaralan ang hindi muna magpapatuloy ng operasyon dahil sa naging pinsala ng COVID-19 pandemic.
Dahil dito, apektado ang mahigit 3,233 mga guro at nasa 40,345 mag-aaral.
At bilang tulong, matapos na maging ganap na batas ang Bayanihan to Recover As One Act o Bayanihan 2, isinusulong ng senador ang agarang pamamahagi ng ayuda sa mga guro at non-teaching personnel na nawalan ng trabaho.
Batay sa datos ng DepEd nitong Setyembre 11, mahigit dalawang milyon (2,050,797) pa lamang ang nag-enroll sa mga pribadong paaralan, wala pa sa kalahati (47.63 porsyento) ng mahigit apat na milyong (4,304,676) mag-aaral sa pribadong sektor noong nakaraang SY 2019-2020.
Sa ilalim ng Bayanihan 2, may P300 milyon ang nakalaan para sa one-time cash assistance na ipamamahagi sa mga apektadong guro at non-teaching personnel sa mga pribado at pampublikong paaralan sa lahat ng antas. Kabilang dito ang mga part-time faculty at non-permanent teaching personnel, pati na rin ang part-time faculty ng mga State Universities and Colleges (SUCs).
Idinagdag pa ni Gatchalian na P600 milyon naman inilaan ng Bayanihan 2 para sa ayudang ipamamahagi sa mga mag-aaral na naapektuhan ng lockdown ngunit hindi nakatatanggap ng tulong pinansyal mula sa mga kasalukuyang programa ng pamahalaan.
Hinimok ni Gatchalian ang DepEd na magkaroon ng isang database upang maging maayos ang pamamahagi ng ayuda.
Aniya, dapat makipagtulungan ang kagawaran sa mga school associations upang matukoy kung sinu-sino ang mga apektadong guro, kawani, pati mga mag-aaral.
Ayon pa sa mambabatas, hindi dapat maranasan ng mga guro at kawani ng mga paaralan ang mga suliraning naranasan sa pagpapatupad ng Social Amelioration Program o SAP, lalo na’t matagal na silang naghihintay ng ayuda.
Dagdag pa ni Gatchalian, ang pagkakaroon ng database ay makatutulong sa DepEd na punan ang kinakailangang bilang ng mga guro at kawani, kabilang ang mga tutor at para-teachers sa distance learning.
Sa tala ng National Expenditure Program 2021, 43,780 sa halos isang milyon ang posisyon sa DepEd ang kailangan pang punan.
“Ngayon at ganap nang batas ang Bayanihan 2, dapat siguruhin nating agarang maipaabot sa ating mga guro at kawaning nawalan ng trabaho ang ayuda mula sa pamahalaan. Matagal naghintay ang mga guro at kawaning nawalan ng trabaho kaya
dapat nating siguruhing hindi magkakaroon ng aberya ang pamamahagi ng tulong pinansyal para sa kanila,” ani Gatchalian na chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture. (NOEL ABUEL)
123
