Mga residente inabisuhan sa paglikas BULKANG TAAL NAG-AALBUROTO NA NAMAN

INALERTO ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang mga local government unit sa paligid ng Bulkang Taal kasunod ng naitalang abnormalidad nito sa nakalipas na mga araw.

Pinaghahanda ng PHIVOLCS ang mga LGU upang mailikas ang mga residente na maaapektuhan sakaling muling pumutok ang bulkan sa Batangas.

Nabatid na nakapagtala ang PHIVOLCS ng bahagyang pagtaas sa seismic activity at mga pagbabago sa main crater lake ng Bulkang Taal.

Umaabot na umano sa 68 volcanic tremor ang naitala mula February 13 hanggang kahapon ng hapon.

Naobserbahan din sa bulkan ang pagtaas ng acidity at temperatura sa main crater lake nito.

Hindi pa rin isinasantabi ng PHIVOLCS ang posibilidad na biglaang pagputok nito dulot ng steam-driven o phreatic explosion at paglabas ng mapanganib na volcanic gas at ashfall.

Sa bulletin ng ahensya na inilabas kahapon ng umaga, nakapagtala pa ng 98 tremor episodes ang bulkan sa nakalipas na 24 oras at pagbuga ng kulay puting usok sa main crater na may taas ng hanggang limang metro.

Ayon sa PHIVOLCS, nananatiling nakataas sa alert level 1 ang status ng Bulkang Taal.

Matatandaan na Enero 12 noong isang taon nang pumutok ang Bulkang Taal at daan libong residente ang inilikas. (CYRILL QUILO)

95

Related posts

Leave a Comment