MGA STRANDED ‘DI PA RIN MAKAUUWI KAHIT MECQ NA

HINDI pa rin papayagan na makauwi sa kani-kanilang lalawigan ang mga naipit sa Metro Manila sa panahon ng modified enhanced community quarantine (MECQ) hanggang May 31.

Maliban na lamang kung mauuri ang mga ito bilang “authorized persons outside residence” o APOR.

Ang paalalang ito ni Presidential Spokesperson Harry Roque ay bunsod ng matinding daloy ng trapiko sa pangunahing lansangan kabilang na ang EDSA, noong Sabado, May 16, unang araw ng ‘less strict MECQ.’

Sa ilalim ng MECQ, ay nananatiling walang public transport subalit ang mga private car ay pinapayagan sa kondisyong dalawang katao lamang ang nakaupo ‘per row’.

Sa kabilang dako, binigyang diin ni Sec. Roque, na sa ilalim ng MECQ, ang essential travel lamang ng APORs ang papayagan.

“Kung leisure po, hindi po pupuwede pa rin, unless tayo po ay may katungkulan. Iyong mga tipong bibisita sa ating mga kamag-anak, kung pupuwede po ay maiwasan po muna iyan kasi talagang wala pa pong ganyang pahintulot ang IATF; nililimita pa rin po natin sa essential travel,” ayon kay Sec. Roque.

Ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ay decision-making body ng pamahalaan sa coronavirus disease (Covid-19) health crisis.

Nauna rito, sinabi naman ni Sec. Roque na ang non-essential travels ay kailangan ng clearance mula sa kani-kanilang local government units (LGUs).

Ang mga nakatira naman sa mga lugar na idineklarang MECQ subalit nagtatrabaho sa mga lugar na deklaradong GCQ ay papayagan din na magbyahe hangga’t sila’y nagtatrabaho sa industriyang pinayagan na mag-operate.

Ang Interzonal travels ay pinapayagan sa pagitan ng dalawang lugar sa ilalim ng general community quarantine (GCQ) hangga’t ipinatutupad ang mga safety protocol.

Ang mga employer naman ay hinihikayat na magbigay sa kanilang emoleyado ng transport vehicles o accommodations.

Ang lahat ng mga manggagawa sa healthcare, agriculture, agri-business, emergency response, food, security, banks, money transfers, funeral services bukod sa iba pa ay itinuturing na APOR.

Sa kabilang dako, ang IATF-EID ay regular na naga-update sa APOR base sa nagpapatuloy na talakayan sa stakeholders.

Ang Metro Manila at ang mga lalawigan ng Laguna, Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga at Zambales ay isinailalim sa MECQ hanggang May 31, base sa Resolution 37 na tinintahan ng IATF-EID noong May 15.

Tanging ang mga lungsod ng Cebu at Mandaue sa Cebu province ang nananatili sa ilalim ng ECQ.

Ang lahat ng lugar sa buong bansa na hindi isinailalim sa ECQ o MECQ ay inilagay naman sa ilalim ng general community quarantine (GCQ). CHRISTIAN DALE

133

Related posts

Leave a Comment