“HUWAG ninyong pulitikahin, huwag ninyong tenggahin.” Ito ang babala ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa lahat ng kinauukulang barangay chairman matapos makatanggap ng ulat na may mga opisyal ang pinupulitika at tinetengga ng maraming araw sa barangay hall ang food boxes na para sa kanilang nasasakupan imbes na
agaran itong ipamudmod sa mga residente.
“May nababalitaan kami na dumating na ngayon pero tatlong araw nasa barangay hall. Sa bawat minuto, oras at araw ng delay, may nagugutom. Ipairal n’yo sana sa inyong puso ang malasakit,” sabi ni Moreno na idinagdag din na ang distribusyon ng food boxes sa mga residente ay dapat na mas mabilis na dahil hindi na bago ang gawaing ito sapagkat ginagawa na ito simula pa lamang ng pandemya.
“Isang taon na natin ‘to ginagawa. Dapat praktisado na kayo. Wala na nga kayong gastos, laway at pawis na lang. Kung ilan ang sabihin ninyo, binibigay naman namin. Mahirap ang gutom. ‘Wag n’yo sana danasin ang dinanas ko na kumakain ng tira ng iba sa basurahan,” giit ng alkalde.
Himok ng alkalde, sa halip na maghanap ng dahilan kung bakit hindi naide-deliver ang food boxes ay dapat na maghanap na lang ng paraan ang mga opisyal ng barangay kung paano ito makararating sa mga residente sa mabilis na paraan.
Ayon pa rito, ang mga kawani ng lokal na pamahalaan ay nagdo-double time sa pagre-repack ng food supplies pero nababalewala dahil kapag nai-deliver na sa barangay ay tinetengga naman ng ilang barangay chairman sa loob ng barangay hall.
“Time is of the essence. Andyan na food box, ibibigay nyo na lang. Wala na kayong tosgas inakap na ng syudad lahat ng gastusin dahil alam ko hirap ang barangay… all you have to do is deliver ASAP the moment you receive the boxes. ‘Di ko maintindhan bakit tumatagal pa ng tatlong araw sa barangay hall. ‘Di ba kayo naawa sa taong walang makain? Gaano ba kahirap i-deliver?” tanong nang nadismayang alkalde.
“Nakikisuyo ako. The moment dumating, i-deliver n’yo na agad. Kami, production, deliver. Not a single moment na malalagay sa bodega,” dagdag pa nito.
Aniya pa, bilang lider ng kanilang barangay, may obligasyon ang bawat chairman sa kanilang mga nasasakupan.
Samantala, pinasalamatan ni Moreno ang mga opisyal ng barangay na naging episyente sa pamamahagi ng food boxes lalo na iyong mga tapat na nagsauli ng sumobrang food supplies. (RENE CRISOSTOMO)
