MGA WIKANG MAS GINAGAMIT SA ‘PINAS

WIKA-1

(Ni ANN ESTERNON)

Nagdiriwang ang bansa ngayon sa Buwan ng Wikang Pambansa.

At sa taong ito ang tema ay “Wikang Katutubo: Tungo sa Isang Bansang Filipino.”

Ang pagdiriwang na ito ay alinsunod sa Presidential Proclamation No. 1041 at ito ay pinirmahan noong Pebrero 15, 1997.

Ang okasyong ito ay bilang pag-alala rin sa dating Pangulong Manuel L. Quezon na isinilang noong Agosto 19, 1878. Kinilala siyang ‘Ama ng Wikang Pambansa’.

FILIPINO, PAMBANSANG WIKA

Noong 1937, in-address ang bansa ni dating Pangulong Quezon sa wikang Filipino sa pamamagitan ng radyo. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na ang isang pangulo ay nagsalita on air gamit ang wikang Filipino, na idineklara namang Pambansang Wika ng bansa sa bisa ng Executive Order No. 134 na inisyu noong December 30, 1937.

Sa radio broadcast ito ang sinabi ni Pangulong Quezon:

“Nagdudulot sa akin ng di matingkalang kasiyahan na maipahayag ko sa inyo na ngayong ika-41 anibersaryo ng pagmamartir ng nagtatag at pinakadakilang tagapamansag ng nasyonalismong Pilipino, ay na­ging karangalan kong ilagda, bilang pag-alinsunod sa utos ng Konstitusyon at ng umiiral na batas, ang isang Kautusang Tagapagpaganap na nagtatalaga sa isa sa mga katutubong wika na maging batayan ng wikang pambansa ng bayang Pilipino.”

Sa pag-aaral ng ating kultura partikular sa ating wika, marami tayong wikang ginagamit bilang bahagi ng ating komunikasyon. At ayon pa sa pag-aaral ay ito ang ating pagkakakilanlan ngunit tayo pa rin ay Filipino. Bagama’t maliit lang ating bansa ay may iba’t iba tayong wika.

ANG ATING MGA WIKA

May nagsasabing 180 ang ating wikang ginagamit. Samantala ayon naman sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), tayo ay may mahigit 130 katutubong wika bukod sa pambansang wika nating Filipino.

Ayon sa kasaysayan may mga lengguwahe nang ginagamit ang mga Filipino bago pa man dumating ang mga mananakop na Kastila.

Ang mga lengguwaheng ginagamit noon sa pakikipagkalakalan ay Kapampangan, Bisaya, Kapampangan, Pangasinan, at Ilocano.

Siyempre pa sa pagpasok ng mga dayunan o mananakop ay naimpluwensiyahan pa ang ating mga wika. Natuto ang mga Filipinong bigkasin, aralin at gamitin sa pang-araw-araw ang mga wikang tulad ng Ingles, Kastila, at iba pa.

Ito ang mga pinakaginagamit na mga wika sa Pilipinas ayon sa pagkakasunud-sunod:

– Tagalog

– Bisaya

– Cebuano

– Ilocano

– Hiligaynon / Ilonggo

– Bicol

– Waray

Samantala, ayon din sa pananaliksik ang Remontado, Kailawan/Kaylawan, Magbekin/Magbukon/Magbukun, ay mga wikang kakaunti lamang ang gumagamit.

WIKANG TAGALOG

Tagalog ang pinakaginagamit ng mga Filipino kahit pa noong unang panahon. Ang wikang ito ay ginagamit sa mga Katagalugang lalawigan tulad ng Bulacan, Bataan, Rizal, Laguna, Mindoro, Batangas, Quezon, Marinduque, at ilang parte sa Camarines Norte.

Maging sa Nueva Ecija, at Cavite ay gamit na gamit din ang wikang Tagalog.

Tinawag din naman ito Katagalugan dahil na rin sa wikang Tagalog na ginagamit at mga tao bilang mga taga-ilog o mga taong nakatira na nasa palibot ng ilog.

Kahit sa Metro Manila o National Capital Region, mas marami rin ang mga gumagamit ng wikang Tagalog.

Pero sa Katagalugang lalawigan talaga mas matatas ang mga tao roon sa naturang wika, at mas malalim ang kanilang pananagalog.

Halimbawa ng malalim na tagalog sa Bulacan kung ginagamit sa pangungusap, “Ineng, mag-ingat ka naman sa iyong pagtakbo, baka ka mabuwal.” Ang salitang “mabuwal” ay nangangahulugang “matumba.”

WIKANG BISAYA

Sa National Capital Region, pangalawa ang Bisaya sa wikang pinakaginagamit dito.

Pero minsang naging argumento ito noon na dapat Bisaya na ang maging pangunahin nating lengguwaheng mga Filipino. Ito ay dahil daw sa dumarami ang mga Bisaya at maraming Bisayang nagkalat sa bansa.

Sa pag-aaral, ang Bisaya ay mas ginagamit sa Davao, sumunod ay sa Northern Mindanao at Central Visayas.

Ang isang halimbawa ng pangungusap sa wikang Tagalog ay, “Nag-aalala ako sa iyo kaya kumain ka na.” Kung isasalin ito sa Bisaya ito ay, “Nabalaka ko nimo mao ng pagkaon na dinha.”

Ang isang halimbawa pa ng pangungusap sa wikang Bisaya ay, “Pauli ug sa ‘yo sa balay ug ayaw na magsuroy-suroy” na kung isasalin sa wikang Tagalog ito ay, “Uwi na sa bahay nang maaga, huwag nang gumala pa.”

WIKANG CEBUANO

Ginagamit na wikang Cebuano sa kalakhang Central Visayas na may apat na probinsya: Cebu, Bohol, Negros Oriental, at Siquijor at tatlong highly urbanized cities tulad ng Cebu City, Lapu-Lapu, at Mandaue.

WIKANG ILOCANO

Samantala ang Ilocano ay bahagi ng pang-araw-araw na wika sa Ilocos Region na binubuo ng apat na lalawigan: Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union at Pangasinan. Kabilang din dito ang siyam na siyudad: Alaminos, Batac, Candon, Dagupan, Laoag, San Carlos, San Fernando, Urdaneta at Vigan.

WIKANG HILIGAYNON

Ito ay kilalang wika rin bilang Ilonggo na ayon sa pag-aaral ay lampas sa 9 milyon katao ang gumagamit nito at mas ginagamit sa Western Visayas at Soccsksargen na karamihan sa mga ito ay nasa Visayan ethnic group na tinatawag namang mga Hiligaynon.

1163

Related posts

Leave a Comment