NAPAPANGITI na lang ako kapag may nagsasabi na “tatanggalin na natin ang mga middleman” sa sektor ng agrikultura at ang gobyerno na ang bibili ng ani ng mga magsasaka.
Suntok kasi sa buwan ang pangakong iyan sa mga magsasaka. Puwedeng gawin pero malabo pa sa hinaharap dahil ang dami pang dapat gawin muna bago mangyari ang matagal nang pangarap na ito ng mga nagbubungkal ng lupa.
Bilang isa sa mga nasa sektor na ito, alam kong mahirap pa sa ngayon na mawala ang middleman hanggang hindi handa dahil may mga pasilidad ang mga negosyanteng nasa pagitan ng magsasaka at consumers na wala ang gobyerno.
Saan itatambak ng gobyerno ang mga bibilhing ani eh wala nga silang post-harvest facilities eh. At sino ang magbebenta sa mga biniling ani sa mas mahal na halaga? Ipapasa rin sa mga negosyante maliban lamang kung ang vendors mismo ang pupunta sa mga pasilidad para mamakyaw ng paninda.
Parang pinalitan lang ng gobyerno ang mga middleman at dahil mas maraming tao ang kailangan, marami rin silang pasasahurin at kailangan ng malaking pondo na kukunin din sa taxpayers.
Pero bago ‘yan, kailangan muna magtayo ang gobyerno ng mga post-harvest facilities at huwag masyadong perpekto sa pagbili ng mga ani dahil sa ngayon, ayaw magbenta ang magsasaka sa National Food Authority (NFA) dahil kailangang tuyong-tuyo na ang palay bago nila ito bilhin. Eh wala ngang drying facilities eh!
Isa pa, kailangang pautangin ng gobyerno ang mga magsasaka ng puhunan sa pagtatanim. Marami nang nagpapanukala niyan pero laging napupurnada dahil masyadong malaki ang pondong kailangan.
Sa panahon ng taniman, sa mga middleman tumatakbo ang mga magsasaka na ang kondisyon ay hindi nila puwedeng ibenta ang kanilang ani sa iba at bibilhin ang ani sa umiiral o ipinaiiral na presyo ng grupo ng mga negosyante.
Ang hirap umutang sa gobyerno lalo na sa mga bangko dahil ang daming requirements na hinihingi at baka tapos na ang panahon ng taniman bago i-release ang inuutang na puhunan taliwas sa mga middleman na tiwala lang sa isa’t isa, okey na.
Ngayon, para mangyari ang pinapangarap na mawala ang mga middleman, kailangang seryosohin muna ang pagmodernisa sa agricultural sector, maglagay ng mga taong nakakaintindi sa mga magsasaka sa Department of Agriculture (DA) at higit sa lahat, buhusan ng pondo ang sektor na ‘yan dahil kung hindi suntok ‘yan sa buwan!
