MILF NANAWAGANG ITULOY BARM ELECTION SA OKTUBRE 2025

NANAWAGAN ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa pamahalaan ng Pilipinas at sa lahat ng kaugnay na institusyon na panatilihin ang nakatakdang halalan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na gaganapin sa Oktubre 13, 2025.

Sa isang opisyal na pahayag na inilabas nitong Biyernes, nanawagan si MILF Vice Chairman Mohagher Iqbal, na kumakatawan kay Chairman Al Haj Murad Ebrahim at sa Central Committee, sa pambansang pamahalaan, Kongreso, Commission on Elections (COMELEC), at sa iba pang mga kinauukulan na huwag tanggapin ang anumang mungkahi na maaaring humantong sa muling pagpapaliban ng kauna-unahang parliamentary election ng rehiyon.

“Mariin naming ipinapakiusap sa ating mga pambansang pinuno na huwag na sanang isaalang-alang ang anumang panukala na magpapaliban muli sa makasaysayang halalang ito,” ayon kay Iqbal.

Ipinaalala niya na dalawang beses nang ipinagpaliban ang halalan ng BARMM—una mula Mayo 2022 na inilipat sa Mayo 2025 sa bisa ng Republic Act 11593 sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte, at muling inilipat sa Oktubre 2025 sa bisa ng Republic Act 12123 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Pebrero ngayong taon.

Binigyang-diin ni Iqbal ang kahalagahan ng pagsasagawa ng halalan upang magkaroon ng demokratikong halal na Bangsamoro Parliament na may malinaw na mandato mula sa mamamayan.

“Ito ang diwa ng demokrasya at handa ang MILF na humingi ng legal na mandato sa pamamagitan ng soberanong kalooban ng Bangsamoro people — sa isang malinis, tapat, at kapani-paniwalang halalan,” ani Iqbal.

Bagaman wala pang panibagong panukalang batas na inihain sa Kongreso upang ipagpaliban muli ang halalan hanggang 2028, nagpahayag ng pagkabahala si Iqbal ukol sa mga ulat na may mga bagong pagtatangka na ipagpaliban ang botohan. Nanawagan siya sa mga mambabatas na maghayag ng kanilang publiko at matibay na paninindigan upang ituloy ang halalan sa nakatakdang petsa sa Oktubre 2025.

Ayon pa kay Iqbal, “Handa ang MILF, sa pamamagitan ng United Bangsamoro Justice Party, na lumahok sa demokratikong proseso at tatanggapin ang magiging resulta, panalo man o talo.”

Nagtapos si Iqbal sa paalala ukol sa sensitibong kapayapaan sa rehiyon na naabot matapos ang mahabang negosasyon, at nanawagan sa lahat ng panig na huwag sayangin ang mga tagumpay na nakamtan sa ilalim ng Bangsamoro peace process.

14

Related posts

Leave a Comment