MILYON-MILYONG PUSLIT NA YOSI NASABAT NG PHIL. NAVY

BULTO-BULTONG smuggled cigarettes ang nasabat ng mga tauhan ng Philippine Navy sa magkahiwalay na pagsalakay sa lalawigan ng Basilan at Palawan, ayon sa ulat ng Hukbong Dagat ng Pilipinas.

Sa ulat na ibinahagi ni Navy Commander Benjo Negranza, tagapagsalita ng Philippine Navy, nasabat ng pinagsanib na pwersa ng Naval Task Force (NTF) 61 at Naval Special Operations Unit (NAVSOU) 6 ang libo-libong kahon ng puslit na sigarilyo na sakay ng M/L AL Ayessa sa Pilas Island, Basilan.

Ayon kay Cdr. Negranza, unang nakatanggap ng “actionable intelligence info” ang Naval Intelligence and Security Group-Western Mindanao hinggil sa mga puslit na kontrabando.

Kaya agad na idineploy ng Naval Forces Western Mindanao na nakabase sa Zamboanga, ang NTF61 at NAVSOU6 sakay ng multi-purpose attack craft BA485.

Dinala ang nasabat na sasakyan sa Ensign Majini Pier sa loob ng Naval Station Romulo Espaldon sa Zamboanga City para sa proper turn-over.

Tinatayang mahigit sa P2 milyong halaga naman ng puslit na sigarilyo ang nasabat ng Philippine Navy at National Bureau of Investigation Palawan.

Ayon sa ulat, isang joint operation ang ikinasa ng Naval Intelligence Security Group West (NISG-W) at Marine Battalion Landing Team 4 (MBLT4), katuwang ang National Bureau of Investigation-Puerto District Office (NBI-PUERDO) sa Brgy. Rio Tuba, Bataraza, Palawan.

Nasa 13 katao ang nadakip na dinala sa kustodiya ng NBI-PUERDO para sa pormal na paghahain ng kaso kaugnay sa paglabag sa Philippine Tariff and Customs Code (TCCP).

“This successful joint operation demonstrates the Command’s strong resolve and commitment to assisting other government agencies in efforts to eradicate smuggling and other illegal activities,” ani Cdr. Negranza. (JESSE KABEL)

189

Related posts

Leave a Comment